|

Pinal na bersyon ng Student Manual, nakatakdang matapos sa Oktubre

(Unang nalimbag ang balitang ito sa isyu 14 ng Philippine Collegian noong 19 Setyembre 2012.)

ni Mary Joy Capistrano

Inaasahang  maglalabas na ng pinal na bersyon ng Student Manual (SM) sa Oktubre ang Student Manual Committee (SMC), grupong binuo noong Hunyo upang pangasiwaan ang pagsasaayos ng mga rebisyon sa kasalukuyang umiiral na Code of Student Conduct (CSC).

Kailangan umanong matapos ang pinal na burador ng SM sa huling linggo ng Oktubre upang makapagsagawa ng konsultasyon sa mga estudyante at maaprubahan ng  Board of Regents ang SM bago matapos ang taon, ani UP Diliman University Student Council (USC) Chair Gabriel “Heart” Diño.

Binubuo ang SMC nina Dr. Mila Laurel, pangulo at kinatawan ng University Council Committee on Student Organizations Activities and Welfare (UCSSSOAW), dating Student Regent (SR) Ma. Kristina Conti, kasalukuyang SR Cleve Robert Arguelles, Diño, at  USC Councilor Aryanna Canacan.  Bahagi rin sa nasabing komite sina Vice-Chancellor for Student Affairs (VCSA) Ma. Corazon Tan  at dating VCSA Elizabeth Enriquez at  Prof. Rowena Morales, mga kinatawan ng Student Review Committee noong nakaraang taon.

Pag-amyenda sa CSC

Unang ipinanukalang amyendahan ang CSC noong 2009, dahil may ilang karapatang pang-mag-aaral ang hindi nabanggit sa nasabing CSC, ani Conti. Aniya, tinanggihan ng administrasyon ang nasabing panukala at muling bumuo ng bagong CSC sa pangunguna ni Enriquez noong 2010.

Sapagkat wala pa rin umanong pagbabagong naiambag ang 2010 CSC, binuo ng OSR ang Student Review Committee sa parehong taon upang buuin ang Student Handbook on Rights and Responsibilities. Sa pangunguna ng UPD University Student Council at ng 21 lokal na konseho sa UPD, natapos ang SHRR noong Mayo 2011.

Nakapaloob sa SHRR ang Declaration of Student Rights at ang sariling bersyon ng mga estudyante ng CSC. Sa isang pulong noong Oktubre 2011, napagkasunduan ng SRC at administrasyon na buuin ang SM, na halaw sa 2010 CSC at SHRR.

Matapos buuin ang pinal na bersyon ng SM, magsasagawa ng serye ng konsultasyon ang SMC upang hingin ang panig ng mga estudyante. “[Lahat] ng results ng consultations ay i-integrate natin sa bawat provision. [‘Yung] goal [namin] is to come up with a comprehensive student manual,” ani Diño.

Mga amyenda sa CSC

Ilan sa mga natapos nang seksyon ng CSC ang panuntunan sa pagtanggap ng mga bagong miyembro ng mga organisasyon, sorority at fraternity.

Lilinawin din sa SM ang mga panuntunan ukol sa mga kaso ng pandaraya at pagnanakaw, maging ang iba pang itinuturing na maling gawi ng mga estudyante. Nakapaloob din sa binubuong SM ang bagong mga panuntunan hinggil sa pagsapi sa mga organisasyon, sorority at fraternity.

“All organizations, sorority, fraternity, pwedeng magrecruit anytime, pero after a semester lang [pwedeng] mag-accept,” ani Arguelles.

Layunin din ng SM ang pagpapataw ng mas mababang antas ng parusa sa mga kasong maaaring kaharapin ng mga estudyante, ani Arguelles. Halimbawa, ibinaba sa isang semestre ang suspensyon sa mga estudyanteng nahaharap sa kaso ng paglalabas ng maling pahayag ukol sa pagkakatanggap sa unibersidad, pagiging rehistradong estudyante at pananatili sa UP.

“Mas rehabilitative na lang ‘yung mga parusa sa mga students. [Halimbawa,] from expulsion to at least one week suspension… [Pangunahing] goal ng SM Committee na protektahan ang student rights at gawing rehabilitative ang lahat ng penalties,” ani Arguelles. ●

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=5960

Posted by on Sep 20 2012. Filed under Balita, Headlines. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Pinal na bersyon ng Student Manual, nakatakdang matapos sa Oktubre”

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.