|

Hanggang saan aabot ang bente pesos mo?

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 7 ng Philippine Collegian noong 2 Agosto 2013.)

ni Victor Gregor Limon

Mga litrato ni Keithley Difuntorum

Mga litrato ni Keithley Difuntorum

Sa lahat ng mga isipin bilang estudyante ng UP, pinakamasarap problemahin ang tungkol sa kung saan kakain at kung ano ang kakainin. Napakarami kasi ng pagpipilian—mula sa mga restaurant ng TechnoHub hanggang sa mga tea-and-cake shops ng Maginhawa. Nakalulunod din ang maaaring bilhin—pasta o pizza, salad o extra rice, tsaa o kape, for here or to go.

Pero paano kung kapos ang badyet mo? Sa tila nagbabagong hunos na anyo ng pamantasan, hanggang saan ka kaya tatangayin ng bente pesos?

Agahan
Ayon sa mga eksperto ng nutrisyon, pinakamahalagang pagkain sa buong araw ang agahan, lalo sa mga estudyanteng may mga klaseng nagsisimula nang maaga. Depende sa kapal at bigat ng pitaka, maaaring totoo ito. Maaari rin namang alamat lang ito na inimbento ng kung sinong mapanghimasok na doktor.

Sa katunayan, bagaman magkakahilera na ang tindahan ng mamahaling kape, tsaa, at tinapay sa paligid ng kampus, nag-iiwan pa rin ang mga negosyong ito ng mga sulok at siwang para sa paglalako ng mga mumurahing pampagising tuwing umaga.

Sa mga kalye ng Ripada at Area 2, nagkalat ang mga puting vending machine na nag-aalok ng mainit na kape (P5), pamawi sa antok na hatid ng mahabang gabi ng pag-aaral. Kung mas hardcore na caffeine ang hanap mo, pwede ring Cobra energy drink o kaya Sting (parehong P10). Parisan na lamang ng biskwit (P7), o kaya yosi (P5 kada stick) para lubusang magising ang diwa.

Wala mang sustansyang makukuha sa ganitong mga pansamantalang palaman sa sikmura, hindi na rin kagulat-gulat na ang ganitong mga bilihin ay patuloy na nililikha at tinatangkilik sa loob ng unibersidad.

Tila nakatatak na sa UP ang kultura ng paghihigpit ng sinturon sa panahon ng matinding kakapusan. Sa katunayan, kilala ang UP sa mga “pang-masa” at murang pagkaing tulad ng fishball (P10 bawat order) at isaw (P3 bawat stick).

Dahil ipinagpapalagay na galing sa mas mahihirap na pamilya, naging karaniwan na ang mga paglalako at pagkonsumo ng ganitong mga pantawid gutom. Sa paglipas ng mga taon, tuluyan na itong naging bahagi ng mainstream na kamalayan at imahe ng UP. Kahit sa mga t-shirt na inilalako sa SC, may ilang may imprenta pa ng isaw at fishball bilang mga icons ng pamantasan. Maging mga artista at mga estudyante sa mga karatig private schools, dumarayo pa sa UP para lang matikman ang mga pagkaing ito.

Tanghalian
Pagdating ng tanghaling tapat, daig pa ng CASAA ang palengke sa dami ng mga estudyanteng nagpapaligsahan sa paghahanap ng bakanteng mesa. Ngunit para sa mga hindi swak sa badyet ang pananghaliang nagkakahalaga ng humigi’t kumulang P50, maaari namang hindi na makipagsiksikan pa.

Sa palibot ng academic oval, nakaabang ang mga kiosks na  nagtitinda ng instant pancit canton. Kumpleto ang menu sa pagpipilian depende sa panlasa ng nagtitipid: mula sa matabang hanggang sa maanghang. Sa presyong P15 bawat pakete ng instant pancit canton, at sa loob lamang ng tatlo hanggang limang minuto, may pantawid gutom ka na.

Ngunit hindi lamang para sa kapos sa allowance ang ganitong diet dahil mistulang STFAP din ang combo meals. Depende sa badyet mo (P20 hanggang P60), maaari ring mamili ng kombinasyong gusto mo—liban sa pancit canton, maaari kang pumili ng bonus na tinapay, siomai, kwek-kwek, fish ball, kikiam, cheese sticks, juice na nakatetrapack o nakaplastic na bote.

Noong pangulo pa ng UP si Prop. Emerlinda Roman, ipinagbawal ang pagtitinda sa mga kiosks ng mga pagkaing hindi masustansya. Kalakip sa kasunduan sa pagitan ng mga manininda at ng administrasyon ang listahan ng mga maaari lamang ipagbili sa mga estudyante. Hindi rito kasama ang mga lutuing instant gaya ng pancit canton.

Sinimulan lamang payagang ilako ang mga pagkaing ito noong Agosto 2008—dalawang buwan lang matapos ang enrolment ng mga bagong isko at iskang apektado ng pagtaas ng base tuition mula P300 hanggang P1,000 kada yunit.

Hapunan
Pagtakipsilim, kakalam muli ang tiyan. Dahil sarado na ang mga tindahan sa loob ng kampus, dadalhin ka ng gutom sa laylayan ng UP—sa mga komunidad na noon pa ma’y tahanan na ng kahit na anong mura—murang bedspace, murang gamit, murang alak at yosi, at higit sa lahat, mura ring pagkain.

Sa Krus na Ligas, pa lamang, nakahilera na sa harap ng plaza ang mga tindahan ng “bentelog.” Sa halagang P20, makakabili ka ng isang tasang kanin, pritong itlog, at sari-saring ulam na prito: hotdog, bacon, meat loaf, embutido, longganisa, ham. Libre na ang isang mangkok ng sabaw.

Nagkalat din ang mga gotohan, mamihan, at tindahan ng mga buy-one-take-one na hamburger. Katulad ng mga estudyante ng UP na kailangang magtipid kahit sa pagkain, bahagi na ng kultura sa mga komunidad na gaya ng Krus na Ligas ang malikhaing mga paraan para magapi ang kakapusan.

Para sa isang komunidad na “ipinagbili” ni dating Pangulong Elpidio Quirino sa UP noong 1941 sa halagang P1, tila hindi na kataka-takang naging tahanan ng mga murang bilihin ang Krus na Ligas.

Sakop ang halos 400 ektarya ng kampus, may higit sa 20,000 ang kasalukuyang nakatira sa Krus na Ligas. Bagaman karamihan ay higit dalawang dekada nang residente, itinuturing pa rin silang mga “informal settlers” na maaaring paalisin sa kanilang mga tahanan kung nanaisin ng UP.

Samantala, dahil kapos din ang UP sa pondo, mas may laya ang mga malalaking kumpanyang gaya ng Ayala na gamitin ang lupa ng UP kapalit ng upa. Sa ganitong gana, lalong napaigting pa ang kultura ng hyper-konsumerismo sa pamantasan. Sa pagpasok ng mga mamahaling produktong alok ng mga bagong establisamyentong ito, tuluyan nang itinutulak sa mga sulok at siwang ng pamantasan ang mga kapos at nagtitipid.

Mairaos mang matagumpay ang bawat araw ng pagtitipid, may hatid na kakaiba namang pakiramdam na dulot ang gabi—may hinala mang naisahan mo ang buong araw sa pamamagitan ng pagtitipid, may suspetsa ring mainam nang matulog na agad bago pa man muling magreklamo ang tiyan at maagaw ang maliit at pansamantalang tagumpay. 

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=8567

Posted by on Aug 6 2013. Filed under Featured Story, Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

2 Comments for “Hanggang saan aabot ang bente pesos mo?”

  1. Hehehe nakakaaliw, ngunit hindi lamang mga estudyante sa UP ang naghihigpit ng sinturon,pantalon,sapatos atbp. Napakaraming tao ngayon ang talagang gipit. Hehe ang aking tip: makisama sa mga kaibigan at makisubo sa kanilang mga kinakain. Yan ang aking swak na swak na pantawid gutom :)

  2. cool.

Leave a Reply

Recently Commented

  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.
  • Benzayb: Lindotay man imong kolum ate. Padayon lang sa pagsulat kay sa pagsulat, naa kay mapadasig na tao na...