|

Nakaatang na responsibili(dad)

■ J.R. Calay

“Dad” ang tawag ng ilan sa akin dito sa Kulê—marahil sa pagiging (medyo) butód, sa minsanang pagbibitaw ng mga birong ikinakahon sa mga tatay, at sa pagiging beterano sa inuman. Dahil sa palayaw na ito, ‘di ko maiwasang maalala ang sarili kong tatay pati na rin ang dalawang tatay na nakasalamuha ko sa integ na sina Kuya Michael at Kuya Rudy.

Minana ko kay Papa ang pangalan ko. Nilagyan lang niya ako ng “John” para kahit papaano—sa initials—ako ang junior niya. Katukayo ko man si Papa, hindi ko na dinala ang pananampalataya niya. Hindi maiiwasan ang alitan sa bahay dahil sa paniniwala, ngunit buti na lang, hindi siya ganoon kahigpit sa ganitong patakaran sa aming pamilya (Katoliko kasi si Mama, na relihiyon din naming magkapatid). Alam kong nasasaktan siya dahil mag-isa lang siyang sumasamba sa pinili niyang bulwagan.

Kung ang sigasig lang sana ng pagkatok niya sa mga bahay-bahay upang ipalaganap ang Salita ng Diyos ay ibinaling na lamang niya sa pakikibaka para sa karapatan mga amang katulad niya, sasama ako. Kahit magkaiba kami ng paniniwala, hindi nabawasan ang pagmamahal ko sa kaniya. Hinahagkan ko pa rin siya. Hinahalikan naman niya ako pabalik.

Ipinaghanda kami ni Kuya Michael ng sinabawang ampalaya (pinakuluan sa vetsin) sa unang gabing nanuluyan kami sa kanyang tahanan sa kabundukan ng Nabuclod, Floridablanca, Pampanga. Doon, ibinahagi niya sa amin ang kanilang angaw—ang sigaw ng katutubo—ng mariing pagtanggi sa pagpapatayo ng plantang heyotermal sa kanilang lupain. Nakita ko sa kaniya ang determinasyong ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupang ninuno.

Kahit may nakaambang pagod, ngalay, at kakapusan ng hininga (reresbak kasi ang bisyo), tig-dalawang oras kaming naglakad papunta at pabalik sa taniman nila ng ampalaya kinaumagahan. Pinuntahan na rin naming ang natatagong paraiso nilang mga katutubo—isang ilog na dalisay sa linis. Nagtampisaw ako kahit tanghaling tapat, at kahit papaano inanod ng agos nito ang aking lumbay.

Noong Disyembre ko lang nakilala si Kuya Rudy, isang manggagawang-bukid sa Hacienda Lusita. Bilib ako sa mga ibinahagi niyang kuwento ng katapangan. Isa siya sa mga magsasakang nagbarikada sa Central de Azucarera de Tarlac kasama ang kaniyang mga anak noong Nobyembre 2004. Aniya, harapin dapat ang labang kahaharapin nang buong katapangan— kung may Tondo ang Maynila, may Balete ang Luisita.

Napabuntung-hininga na lang ako pagkaupo ko sa labas ng kanilang kubol. Tiningnan ko ang malawak niyang lupain. Nagmuni-muni. Napaisip: “Nakagiginhawa sa pakiramdam ang hangin, ang katahimikan.” Ngunit sa likod ng katahimikang ito ay ang ingay ng kanilang pakikibaka na ariin, bungkalin, at gawing kapaki-pakinabang ang lupang kanilang sinasaka.

Malayo pa ang Fathers’ Day ngunit inilaan ko na ang espasyong ito para sa aking ama at sa mga amang kumalinga sa akin sa sandaling nakipamuhay ako sa mga haliging ipinundar nila. Hindi naman ako nakabuntis o kung anuman, ngunit magiging tatay rin naman ako balang araw. Magsilbi sana ang mga karanasang ito bilang paalala. Pangako at sukli ko na rin sa kanila na bitbitin ang mga aral nila rito sa Collegian—sa mga akda at sa pamamalakad.

Agarang guguho ang isang tahanan kung walang matatag na haligi. Pinagtibay niyong tatlo ang isa sa mga dahilan kung bakit ako narito ngayon: ang iulat sa aking kamag-aaral ang inyong kwento ng pag-asa, pagpupursigi, at paglaban.

Pabatid sa sarili: Kung mapunta mang muli sa pahinang ito ng Kulê, sana’y mabasa mo ito kasama ang iyong anak.






Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=11615

Posted by on Jan 30 2017. Filed under Kolum, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.
  • Benzayb: Lindotay man imong kolum ate. Padayon lang sa pagsulat kay sa pagsulat, naa kay mapadasig na tao na...