|

Patingin naman ng pet mo

Patingin naman ng pet mo

■ Sheila Ann Abarra

Malaki ang ngiti ni Ma’am nang sabihin ng kaklase kong aso ang bespren niya. Nanlaki ang mata ni Ma’am nang sabihin kong baka ang bespren ko. Hindi aso ang bespren ko dahil kinagat ako ng aso dati. Hindi kaya kinagat si Ma’am ng baka noon? O baka si Ma’am ang kumagat sa baka?

Mula kweba hanggang kapatagan, patungong hawla ng kasalukuyang sistemang panlipunan, kasabay nating nagpa-tambling-tambling ang mga hayop sa mala-sirkus nating planeta. Si Ma’am pa ang nagsabi noon na tagahila ng karwahe ang mga kabayo at araro naman ang sa kalabaw. Nang nagtanong ako kung bakit walang asong nagtatrabaho sa palayan, sinabi ni Ma’am na pine-“pet” kasi ang aso.

Marahil gaya ni Ma’am, mayroon ding favoritism sa hayop—kaya teacher’s pet ang tawag sa mga estudyanteng mas kinagigiliwan ng guro. Nakatutuwang isipin na pwede kong itulad ang sipsip kong kaklase sa aso.  Sa sobrang lapit ng hayop sa tao, sila na ang nagiging mag-bespren. At hindi mo gugustuhing masaktan ang bespren mo.

Isa si Ma’am sa nagpabaha ng mga hate posts sa social media ukol sa isyu ng pagpatay sa dalawang aso ng grupong gumawa ng pelikulang Oro na kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong taon. Inalisan ito ng parangal at nagkaroon din ng panawagang huwag itong ipalabas sa mga huling araw ng film festival.

Naging ako si BINGO nang mag-comment ako sa isa sa kaniyang mga posts. Nalungkot kasi ako na dahil sa kasong ‘yon, mabilis na naisantabi ang mensaheng nais iparating ng pelikula. Pangunahing pinupunto ng pelikula ang Gata 4 Massacre, o iyong pagpaslang ng mga paramilitar sa apat na minero ng Brgy. Gata, Caramoan, Camarines Sur noong 2014. Nananatiling walang usad ang kasong ito at naiwan sa komunidad ang kawalan ng hustisya.

Naalala ko tuloy ‘yung batang nakausap ko noong nakaraang taon sa Lakbayan, isang pagtitipun-tipon ng mga pambansang minorya rito sa kalunsuran upang ipaabot ang kanilang mga panawagan. Gaya sa mga taga-Gata, para ring hayop kung patayin at harasin ng mga paramilitar ang mga katutubo.

Halos maiyak ako sa hiya nang kinuwentuhan ako ng iba pa niyang kasamang bata tungkol sa kanilang mga aralin sa ALCADEV na eskwelahan ng mga taga-Caraga. Higit pa sa pet ang turing nila sa kanilang kapaligiran at kasama ito sa kanilang mga sabjek. Hindi lang pala aso ang tinuturong pet ng kanilang mga guro, kundi lahat ng nangangailangan ng tulong at kalinga.

Ang mga maka-tao’t maka-kalikasan ang tinatratong hayop ng mga asal-hayop. Kahit kinagat ako ng aso dati, sinabi ko kay Ma’am na marapat lamang managot ang grupong gumawa ng pelikula dahil sa maling pagpatay sa aso, ngunit hindi dapat hadlangan ang tapang ng pelikulang magsiwalat ng katotohanan sa mga komunidad na palaging naisasantabi.

Nainis ako bigla dahil tila si Ma’am ang sistemang mapanghati—walang kumikibo sa inaraw-araw na pagpatay sa mga magsasaka at mangingisda saanmang sulok ng bansa ngunit nagwala lahat para sa pinatay na aso.

Sa isang iglap, naalala ko ang pet kong baka na palaging kinukwestiyon ang pagka-pet. Hindi lang naman kwento ng bespren mo ang dapat pakialaman, dahil marami pang pet na dapat alagaan at bigyan ng pansin. Siguro nga, nangagat si Ma’am ng baka dahil sa tingin niya, baka lang ang dapat gawing corned at de-lata. ■





Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=11611

Posted by on Jan 30 2017. Filed under Kolum, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.