|

Sidhi ng pagpupunyagi

Mainit na sinalubong ng sambayanan ang pagiging bukas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapang kapayapaan bilang tugon sa ugat ng 48-taong armadong tunggalian sa bansa. Masigasig pang naglatag ng progresibong adyenda ang bawat sektor na magwawakas sa kahirapan, bago pa man siya opisyal na maupo sa pwesto.

Ngunit anim na buwan lamang ang lumipas, biglang-pihit ang rehimeng Duterte sa mga pangako’t mungkahi nito nang bawiin ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) ang partisipasyon nito sa nagpapatuloy na usapang pangkapayapaan kasama ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Kalabisan umano ang panawagan ng mga progresibo na palayain ang 434 na bilanggong pulitikal para sa matiwasay na pag-usad ng negosasyon, at patuloy ang pagpatay ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa mga sundalo sa kanayunan sa kabila ng tigil-putukan, pahayag ng pangulo.

Ngunit kung tutuusin, makatarungan lamang na palayain ang mga bilanggong pulitikal. Obligasyon ito ng GRP batay sa nilagdaan nitong Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) noong 1998, na layuning subaybayan at pigilin ang mga nangyayaring paglabag sa karapatang pantao. Kalakip nito ang pagtataguyod ng Hernandez Political Offense Doctrine—ang kautusan ng Korte Suprema na nagbabawal sa pagkikriminalisa ng mga maysalang pulitikal.

Tanging 18 kasangguni ng NDFP lamang ang katunayang pinalaya upang makilahok sa usapang pangkapayaan, habang nasa likod pa rin ng rehas ang tatlo pang kasangguni sa kabila ng implementasyon ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Sa bisa ng JASIG na pinirmahan ng dalawang partido noong 1995, protektado ang mga kabilang sa usapang pangkapayapaan mula sa detensyon at pandarahas.

Sinamantala naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tigil-putukan upang magsagawa ng opensibang militar at pambubulabog sa mga sibilyan sa 500 baryong sakop ng NPA. Gayundin sa gitna ng sarilinang tigil-putukan ng GRP simula ika-21 ng Agosto hanggang ika-31 ng Enero, naitala ang 14 na kaso ng extrajudicial killings habang dalawa ang nawawala, ayon sa Karapatan.

Sinayang lamang ng rehimeng Duterte ang pagkakataong pagbuklurin ang taumbayan sa iisang layunin. Wala itong pinagkaiba sa mga nagdaang administrasyon: Sa halip na kapayapaan, giyera kontra mamamayan ang tugon nito sa kahirapan.

Walang pakundangang tumubos ng buhay ang giyera ni Duterte kontra sa iligal na droga, na umabot na sa humigit kumulang walong libong buhay, ayon sa ulat ng Amnesty International. Salungat din sa itinadhana ng CARHRIHL ang kampanyang ito na yumuyurak sa karapatan sa angkop at makatarungang proseso ng mga pinaghinalaang sangkot sa iligal na droga.

Sa panahon ng ligalig, mahalaga ang pakikisangkot ng sambayanang Pilipino lalo na ng kabataang magpapalakas ng tindig nito sa usapang pangkapayapaan. Tiyak na makikinabang ang naaagrabyadong mamamayan sa sunod na adyenda ng negosasyon: ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).

Saklaw ng CASER ang mga pinakatiyak na sosyo-ekonomikong reporma na mag-aangat sa buhay ng mamamayan, ayon sa IBON Foundation. Kasama rito ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pambansang industriyalisasyon, trabaho at tamang pasahod, libreng edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at Internet, na matagal nang panawagan ng mga sektor sa lipunan.

Malayo na ang narating ng usapang pangkapayapaan, at mas malayo pa ang matatamasa nitong tagumpay kung sinsero ang dalawang panig sa pagtataguyod ng mga pinirmahang kasunduan nito gaya ng JASIG at CARHRIHL. Hamon sa bawat sektor ng lipunan na paigtingin ang kampanya sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, at makilahok sa pagbubuo ng mga repormang panlipunan.

Hindi dapat mangamba ang mamamayan sa pag-atras ng estado sa negosasyon, bagkus marapat na sama-samang igiit ang pagpapayabong ng nasimulang usapan sa anumang lunsaran—sa social media man at higit sa lahat, sa lansangan—upang makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. ■





Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=11653

Posted by on Feb 15 2017. Filed under Editorial, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • 03607: Really Kule, you let self-indulgent twits like this guy here write for you? The pretentiousness in this...
  • Ehnn Sebastian: cool.
  • Alfredo: Versatility. U.P. as a credible award giving body. RP Cinema’s Best Actress of All Time By Nonoy L. Lauzon...
  • Kevin: Lahat naman ng akitibista ginagawa ang lahat para atakihin ang admin. lame.
  • Cecilio: You are adding insult to injury