|

Pagmumuni-muni sa loob ng dyip

LAKBAY DIWA

■ Eula Cabiling

Kay sarap pagmasdan ang mga tuyong hugis-bilog na dahong tinatangay ng mga rumaragasang sasakyan sa kahabaan ng CP Garcia tuwing hapon—parang tumatalon-talong hinahabol nila ang mga nagdaraang dyip o kung ano man. At makaraang saglit ay titigil sila, at tatalon-talon muli kapag may dumaang alimpuyo ng hangin.

Ngunit kadalasan, matapos panandaliang magalak sa eksenang ito mula sa kinauupuan kong dyip ay biglang malulungkot ako—para bang nakikita ko sila bilang mga biktima ng isang hit-and-run na aksidente: may maaagrabyado, may tatakasan, at may tatakas.

O di kaya’y mga biktima ng mga riding-in-tandem na vigilante, ‘yun bang gaya ng napapanood ko sa telebisyon ng kinakainan kong karinderya malapit sa boarding house. Gabi-gabi na lang may balita tungkol sa pinaslang na taong nagtutulak o gumagamit umano ng droga, gabi-gabi na lang may iiyak na kamag-anak na sinasabing “inosente ‘yang binaril nila.”

At habang tumatagal ang byahe sa dyip, marami pang sasagi sa isip ko. Ang mga tumatalon-talong mga dahon sa kahabaan ng kalsada ay para rin palang mga sibilyan sa mga komunidad na walang habas kung hulugan ng bomba ng mga militar. O gaya ng mga bilanggong politikal na hinatulan ng mga gawa-gawang kaso, habang ang mga tunay na berdugo ay malaya upang magpalaganap ng karahasang pahamak sa mga ordinaryong mga mamamayan.

Marahil hindi rin ito nalalayo sa kalagayan ng mga katutubo natin sa bansa, na patuloy na nagsasagawa ng Lakbayan upang panagutin ang mga nasa likod ng pamamaslang at pagbabakwit ng kanilang sektor.

At para rin pala itong mga pamilya ng mga biktima ng pamilyang Marcos, na hanggang ngayon ay walang napala at patuloy na ninakawan ng angkan. (Tila hit-and-run: hit the people with truncheons at run tuwing eleksyon na parang walang nangyari.)

Kaya ba tumatalon-talon ang mga dahon ay dahil hinahabol nila ang mga may sala? Dahil kailangan makamit ang hustisya? Dahil walang tumutulong sa kanila, at pinagmamasdan lang ng mga gaya kong nakasakay sa umaabanteng dyip—nakaupo lamang at patuloy sa pakikinig ng mga melodramatikong kantang uso sa mainstream?

Masarap sanang panuorin ang sayaw ng mga tuyong dahon alinsabay sa alimpuyo ng hangin, ngunit sa mga bagay na tumatakbo sa utak ko tuwing nasa dyip, heto ako’t ikakahiya ang sarili dahil nagalak sa isang bagay na hindi dapat kagalakan. O dahil din sa eksaheradang interpretasyon ko sa aking mga nakikita.

Kaya minsan ayokong sumasakay sa dyip, umaabante ka man patungo sa iyong destinasyon, napakastatik naman ng buhay mo sa loob. Kung maglakad kaya ako o tumakbo, may magbago kaya? ■





Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=11668

Posted by on Feb 24 2017. Filed under Kolum, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.
  • Benzayb: Lindotay man imong kolum ate. Padayon lang sa pagsulat kay sa pagsulat, naa kay mapadasig na tao na...