|

Merkado ng Marka

Wang Od

Dibuho nina Jul Yan Espeleta at John Kenneth Zapata

■ S.B.D. Afable

Halos kalahating araw ang ginugugol ng mga turista mula Maynila upang marating ang tagong tribo ng Butbut sa Buscalan, Kalinga. ‘Di tulad ng mga karatig-lugar na Sagada o Baguio, hindi bukas sa lahat ang destinasyon at walang anumang hotel na sasalubong.

Ngunit hindi ang tanawin ang tunay na sadya ng mga turista. Ang atraksyon ay si Apo Whang Od, isa sa mga lider ng tribo. Gamit ang minanang paraan—malaking tinik at tintang uling na itinatatak sa balat—nakilala ang sining ng pagtatato ng halos isandaan-taong gulang na si Whang Od, na sinasabing huling mambabatok na sa kanilang tribo.

Bawat marka ay mabusisi niyang iginuguhit, permanenteng itinatatak ang makasaysayang tradisyon sa balat ng bawat estrangherong dumayo pa mula sa malayo. Ngunit kapalit ng turismo’t salaping hatid ng pagbabatok ay ang panganib na mabura nang tuluyan ang natatanging sining at kultura ng mga taga-Kalinga.

Los Pintados

Nakatatak sa tradisyon ng pagtatato ang pag-iral at pagyabong ng mga pamayanan sa bansa bago pa man tayo “madiskubre” ng mga mananakop. Nang dumating ang mga Kastila sa Visayas, tinawag nila itong “Islas de los Pintados” dahil sa masining na tato sa katawan ng mga katutubo.

Simbolikal ang pagtatato para sa mga katutubong Pilipino. Para sa mga taga-Kalinga, marka ng pagpasok sa bagong yugto ng buhay ang pagpapatato o “pagbabatok.” Masasabing nasa sapat na gulang na upang maging “mengor” o mandirigma ang isang batang lalaki matapos ang pagbabatok, samantalang tanda ng pagiging ganap na bahagi nila sa lipunan ang pagpapabatok sa mga kababaihan.

Taglay ang iba’t ibang kahulugan, pinag-uugnay ng tato o batok ang mga miyembro ng tribo. Ngunit ayon kay Whang Od, may mga markang laan lamang sa mga mandirigma ng tribong nagtatagumpay laban sa mga kaaway. Nagiging tanda ang mga nakamit na batok upang ituring at igalang ang mandirigma bilang lider o “lakay” ng tribo.

Dala-dala ng kultura ng pagbabatok ang makasaysayang paglaban ng mga taga-Kalinga. Ipinagmamalaki ng ilang taga-Butbut ang batok sa kanilang dibdib na kanilang nakamit matapos sagupain ang mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Markado ng tato ang mga katawan, nagkaisa naman ang dating magkalabang mga tribo ng Bontoc at Kalinga noong 1975 upang tutulan ang pagpapatayo ng Chico Dam sa kanilang lupang ninuno.

Sa pagtatangkang buwagin ang ipinakitang pagkakaisa at kultura ng mga katutubo, ikinabit ng mga mananakop ang iba’t ibang konotasyon sa pagpapatato—dumi sa katawan, tatak ng mga kriminal, o di kaya’y sining ng demonyo. Nagkaroon din ng diskriminasyon sa mga katutubong nagpapatuloy sa tradisyon. Unti-unting nabubura ang sining ng mga taga-Kalinga, kasabay ang maraming banta sa kanilang kultura at pamumuhay.

Pagtanaw sa ‘ibaba’

Labis na nadismaya ang isang turista nang malaman niyang may sakit at hindi makapagbabatok sa araw ng kaniyang pagbisita si Whang Od. Ngunit payo ng turista, maaaring bigyan ng tsokolate ang matanda upang mapilit itong magbatok. Umani naman ito ng libu-libong share at reaksyon sa Facebook, kasabay ng mga dasal na humaba pa ang buhay ni Whang Od alang-alang sa mga nagnanais magpatato sa kaniya.

Madaling isipin na imersyon at pagbuhay sa nawawalang kultura ng Kalinga ang pagiging “tourist attraction” ni Whang Od at ng kaniyang sining. Ngunit nakakubli rito ang pagtanaw ng mga turista sa katutubong tradisyon bilang exotic na palabas—may “thrill” kung susubukan lalo’t dinarayo na rin ng mga artista, pero hindi bilang isang gawaing nagtataglay ng maraming kahulugan at kasaysayan.

Tinawag itong “tourist gaze” ng sosyolohistang si John Urry. Ito ang pagnanais ng mga turista, na karaniwa’y mga gitnang-uring manggagawa, na maghanap ng “authentic” na karanasan malayo sa ordinaryong buhay, ayon kay Urry. Dahil dito, tinitingnan nila bilang exotic o kakaibang tanawin tulad sa museo ang mga dinarayong komunidad at kultura, kahit pa pinatitindi lamang nito ang stereotyping at paghihiwalay sa mga katutubo.

Ngunit laganap pa rin ang turismo sa paniniwalang matutulungan nito ang mga mahihirap na komunidad, kaya “marketing will do them good,” ayon sa isang turista. Ngunit mapanganib ito para sa mga katutubong tulad ni Whang Od dahil nalulusaw ang kahulugan ng kanilang tradisyon kapalit ng ilang salapi, imbis na hayaan silang pagyamanin ang sariling kultura.

Kinondena naman ni Kakay Tolentino, katutubong Dumagat at National Council Leader ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KATRIBU), ang mistulang pagturing sa mga katutubo bilang “display.” “Ang pagtatato ay na-commercialize. ‘Yung itinatato ay hindi na wisdom galing sa mga matatanda…Dapat ang pagpapatato ay pagpapakilala sa ating identity—na kinikilala ka ng komunidad o mayroon kang nagawa,” aniya.

Tinubuang lupa

Hinihikayat ng turismo ang pagtatanghal sa iba’t ibang kultura sa ngalan ng multikulturalismo, o ang pagyakap sa pagkakaiba-iba o “diversity” ng mga kultura. Ideyal ang layunin nito: bigyang-diin ang pagkakaiba ng mga kultura para sa mas bukas na lipunan.

Ngunit ikinukubli lamang ng magkasalikop na multikulturalismo at turismo ang pamamayani ng kolonyal na kamalayan laban sa mga katutubo. Ayon sa kritikong si Edward Said, ito ang paniniwalang kailangan ng mga “mahihina”, “mababa” o “hindi sibilisadong” mga tao o lahi ang pananakop ng mga kanluranin at pagbuwag sa kanilang kultura.

Kapalit ng “pagtanggap” sa mga katutubo ang pagtatanghal sa kanilang bilang “spectacle” o palabas para sa kita at turismo. Nagiging komoditi ang tradisyon tulad ng pagbabatok at itinatanghal ang kultura bilang produktong walang kasaysayan. Dahil dito, epektibong nakukubli ang naratibo ng mga taong humuhubog sa, at hinuhubog ng, kultura.

Sa isang tagong komunidad ng mga Aeta sa Pampanga, halimbawa, hindi lubos na ikinatuwa ng mga katutubo ang itinayong ziplines ng pamahalaan. Naging bahagi sila ng atraksyon, imbis na tugunan ang kawalan ng sapat na serbisyong panlipunan sa kanilang komunidad.

Hindi simpleng “pagtanggap” ang suliraning kinakaharap ng mga katutubo. Banta sa kanilang kultura at pamumuhay ang mabilis na modernisasyon, patuloy na militarisasyon sa kanilang komunidad, pagpasok ng malalaking korporasyon sa kanilang lupain, at paghihiwalay sa kanila sa pambansang diskusyon.

Sa katunayan, marami sa tribo ni Whang Od ay nagtungo sa lungsod upang makapag-aral at makapagtrabaho, dahilan upang unti-unting humina ang malalim na tradisyon at kultura ng pagbabatok sa Kalinga. Kawalan ng sapat na oportunidad at patuloy na pag-atake sa kanilang karapatan ang mas malaking banta sa kultura at pamumuhay ng mga katutubo.

Kaya para kay Tolentino, hindi dapat ihiwalay ang kultura sa kalagayan nilang katutubo lalo sa kanilang panawagan para sa karapatan sa sariling pagpapasya. “Ang usapin ng kultura ay hindi hiwalay doon sa political aspect at sa ekonomiya. Magkakakabit ang tatlong ‘yan…Kung aalisin ang kulturang nakamulatan, wala na kaming pupuntahan.”

Pinadadaloy ng kultura ang patuloy na paglaban ng mga katutubo para sa lupang ninuno, sariling pagkakakilanlan at pagpapasya—“katutubo” dahil hindi nagpasakop. At tulad ng ilang-daang taong tradisyon ng Kalinga, iginagawad ng kasaysayan ang pinakaespesyal na batok sa kanilang mga nangahas at magiting na lumalaban. ■






Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=11676

Posted by on Mar 1 2017. Filed under Featured Story, Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • 03607: Really Kule, you let self-indulgent twits like this guy here write for you? The pretentiousness in this...
  • Ehnn Sebastian: cool.
  • Alfredo: Versatility. U.P. as a credible award giving body. RP Cinema’s Best Actress of All Time By Nonoy L. Lauzon...
  • Kevin: Lahat naman ng akitibista ginagawa ang lahat para atakihin ang admin. lame.
  • Cecilio: You are adding insult to injury