|

Hatol ni Kamatayan

Hatol ng Kamatayan

Dibuho ni John Kenneth Zapata

■ Sheila Abarra

Mga duguang larawan ng mga bangkay sa lansangan at boses ng mga pamilyang tumatangis ang pangkaraniwang agahan ng mga Pilipino sa telebisyon. Sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte, mahigit pitong libong bilang na ang mga napatay sa ilalim ng Operasyong Tokhang nito—karamihan, mula sa mga maralitang pamayanan at tinatayang suspek pa lamang.

Bitbit ni Duterte ang pangakong pagsugpo sa droga at krimen sa loob ng anim na buwan, ngunit nananatili pa rin itong malaking isyu sa bansa kung saan malaya ang tinatayang mga druglord. Natigil lamang ang paglunsad ng giyera laban sa droga nang mabiktima ang Koreanong negosyanteng si Jee Ick-joo, ngunit sa muling panunumbalik nito, tila lulubha pa ang sitwasyon sa pagnanais ng kasalukuyang administrasyon na ibalik ang pagpapataw ng parusang kamatayan.

Sa mismong simula ng panahon ng Kwaresma, muling naipasa ang House Bill (HB) Number 4727 o death penalty nang katigan ng 217 mambabatas ang bersyong naglalayong hatulan ng parusang kamatayan ang mga taong nasasangkot sa kaso ng droga. Unti-unting minamanhid ng estado ang taumbayan: binibilang na lamang ang mga bangkay sa tila sementeryong kalagayan ng bansa.

Garote

Nabuhay ang tao na may kamalayan na sa konsepto ng kamatayan. Makikita maging sa Bibiliya ang paglalarawan ng hatol na ito nang patawan si Hesus ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagpapako sa kaniya sa krus.

Hanggang ngayon, buhay na buhay ang diwang ito tuwing Semana Santa kung saan binabalikan ang aral ng pagsasakripisyo ni Hesus bilang simbolo ng katubusan ng kasalanan ng taumbayan.

Noong unang panahon, isinasagawa ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng paglubog sa ilog at pagpaso sa kumukulong tubig para sa mga kaso tulad ng pagnanakaw at pagkakaroon ng kalaguyo kung may asawa.

Nang dumating ang mga dayuhan tulad ng mga Espanyol, bitbit nila ang kultura ng pagpapataw ng parusang kamatayan mula sa Europa. Halimbawa na lang ang makasaysayang GomBurZa na pinatay sa pamamagitan ng paggarote at si Jose Rizal na binaril sa Luneta hanggang sa mamatay.

Mga sumasalungat sa namamayaning sistema ng mga makakapangyarihan ang mga napapatawan ng parusang kamatayan. Nagpakalat si Hesus ng ideya na siya ang hari ng mga Hudyo at hindi ito naaayon sa sistema ng mga namumuno noon, gayundin, may mga akdang sinulat sina Rizal at GomBurZa na mapanghimok lumaban sa mga Espanyol.

Nagkaroon ng serye ng pagbabago sa pamamaraan ang parusang kamatayan. Sa muling pagbabalik nito, maituturing na dadanas ang mga Pilipino nang mas matinding sigalot dahil lantaran at may layong gawing ligal ang walang habas na pagpatay sa mga Pilipinong itinuturing na sangkot sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Silya-elektrika

Panahon pa nina dating Pangulong Fidel Ramos at Joseph Estrada nang huling ipagpatuloy ang pagpapataw ng parusang kamatayan. Ngunit natigil man ang palisiyang ito sa simula ng panunungkulan ni dating Pangulo Gloria Arroyo, nagpatuloy ang serye ng pamamaslang—patunay ito na hindi namamatay ang pagnanais ng mga makapangyarihan na mapasakamay ang kontrol sa kapangyarihan.

Bumugso ang biktima ng extrajudicial killings sa panahon ni Arroyo kung saan 1,206 ang napaslang, habang 333 naman sa ilalim ni dating Pangulo Benigno Aquino III. Mga karaniwang taong salat sa batayang serbisyo at aktibong kumikilos ang primaryang target ng mga pamamaslang: mga magsasaka, manggagawa, katutubo at iba pa.

Tinatangka naman ng administrasyong Duterte na gawing ligal ang pamamaslang—isa ang death penalty sa mga instrumento ng mga maykapangyarihan upang mapanatili ang opresyon sa mga mahihirap at katutubo. Layon umano ng parusang kamatayan na pagbayarin ang mga nagkakasala, ngunit hindi ito patas sa lahat ng uri dahil mahihirap na walang kakayahang lumaban ang karaniwang biktima.

Sa kasalukuyang bersyon ng death penalty, hindi kasama ang lahat ng karumal-dumal na krimen, gaya ng pandarambong at sedisyon. Nananatiling malaya samakatuwid ang gaya ni Janet Napoles na nagnakaw sa pampublikong pondo, gayundin ang mga pampublikong opisyal na sangkot sa korupsyon.

Higit pa rito, ginamit ang isyu ng parusang kamatayan ng mga makakapangyarihan upang magbalik at buhayin ang kani-kanilang pangalan at posisyon sa gobyerno gaya ng asawa ng dating diktador na si Imelda Marcos at ni Arroyo.

Kabilang sila sa hindi sumang-ayon sa pagbabalik ng death penalty bill, gayong mababakas pa rin sa bansa ang kalunos-lunos na pagpatay na iniwan ng rehimeng Marcos at pagabswelto kay Arroyo mula sa mga kaso ng korupsyong kinasangkutan nito.

Protektado pa ng aprubadong death penalty bill ng kasalukuyang administrasyon ang mga gaya nilang may kakayahang lumabag sa kasong pandarambong na wala sa panukalang batas. Sa kabila nito, tutol pa rin sila sa bill upang makuha ang simpatya ng taumbayan na karamihang tutol din. Ito ang monopolyo ng kapangyarihang nilalaro at patuloy na pinaglalaruan, kasabay ng sistema ng hustisya sa bansa.

Iniksyon

Ganap ang dikotomiya sa pagitan ng makapangyarihan at nasa laylayan ng lipunan sapagkat hayagan ang pagkatalo ng mga mahihirap na tila inaasinta ng “giyera” ng pangulo.

Droga umano ang kalaban ni Duterte ngunit malayang nakalalabas-masok ng bansa ang mga drug lords, habang patuloy na nangamamatay ang mahihirap at marginalisadong inakusahang nagtutulak ng droga.

Walang kakayahang ipagtanggol ng Pilipinong mahirap ang kaniyang sarili sa ganitong klaseng sistema, tinaniman man siya ng droga o hindi, may ransom man o wala. Hindi patas ang tunggalian kung walang kakayahang lumaban ang kabilang panig kaya walang hustisyang naibibigay sa napakaraming biktima ng paglabag sa karapatang-pantao.

Ito ang baluktot na paniniwalang pinalulutang ng kasalukuyang administrasyon dahil malayo sa hustisya ang kawalan ng pagdurusa ng maysala. Sa katunayan, mas malinaw na nais lamang gawing legal ang walang-habas na patayan.

Sa kabila nang lumalalang sitwasyon, hindi nakapagtataka kung bakit walang ganap na tuwirang aksyon ang taumbayan dahil sa kakulangan ng pag-unawa  sa konsepto ng kamatayan. Halimbawa nito si  Senador Manny Pacquiao na pabor sa parusang kamatayan sa kabila ng nananatiling ang tindig ng simbahan na hindi dapat ito ipagpatuloy sapagkat labag ito sa kautusan ng Diyos.

Kung babalikan ang nilalaman ng Bibliya, nariyan ang Semana Santa na paggunita at pag-alala sa pagkamatay ni Jesus, upang mabawasan ang mga pagkakasala. Gayunman, naiiwan lamang sa mga tradisyong gaya ng pag-aayuno ang lahat, sa halip na suriin at ikawing ang kaganapan sa kasalukuyang kalagayang panlipunan.

Sa tuwing may inang namamatayan ng anak na inakusahang tulak ng droga, lumulutang ang nakasaad sa Bibliyang hapis ng Mahal na Birhen sa namatay na si Hesus, ngunit walang nangangahas ipaglaban ang hustisya at naiiwan ang pinsala sa mga namatayan.

Nasa yugto na tayo na mas malawak ang pag-unawa sa mga isyu ng lipunan kaya naman wala ng lugar ang paurong na pamamaraan sa pagkamit ng hustisya.

Kahingian ng panahon na maging mapanuri ang taumbayan sa mga ipinapanukala  ng administrasyon. Gaya ng milyun-milyong inang nauulila sanhi ng mga pagpatay ng bulok na sistema ng hustisya, tatangis din ang Inang Bayan sa patuloy na karahasang dinaranas ng bansa. ■

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12012

Posted by on Apr 19 2017. Filed under Featured Story, Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • 03607: Really Kule, you let self-indulgent twits like this guy here write for you? The pretentiousness in this...
  • Ehnn Sebastian: cool.
  • Alfredo: Versatility. U.P. as a credible award giving body. RP Cinema’s Best Actress of All Time By Nonoy L. Lauzon...
  • Kevin: Lahat naman ng akitibista ginagawa ang lahat para atakihin ang admin. lame.
  • Cecilio: You are adding insult to injury