|

Kumpisal

LAKBAY DIWA

■ Eula Cabiling

Nangako ako na sa pagbubukas ng taong 2017, higit akong magiging masiyahin at positibo ang pananaw sa lahat ng bagay gaya ng payo ng mga magulang ko sa akin bago ako bumalik dito sa Maynila. Ngunit tila kabaligtaran ang nangyari, labis na lumbay ang naramdaman ko nitong mga nakaraang linggo sa kabila ng biglaang hangouts kasama ang mga matalik na kaibigan ko sa Kule at maayos na takbo ng academics ko.

Kabila’t kanan ang mga pamamaslang, karahasan, at pananakot sa mga pamayanang hikahos sa batayang serbisyo. Bilang ng mga biktima ng gyera kontra droga ang halos laman naman ng mga balita mapa-Internet o sa telebisyon man.

Kung kaya’t sa mga pagkakataong mag-isa, labis tuloy na pagkabagabag at pagkabalisa ang nararamdaman ko bunsod ng pag-aalala sa mga magulang kong patuloy na gumagawa ng community work sa mga malalayong lugar. Hindi na masaya ang mga araw na wala akong masyadong ginagawa o walang problemang bitbit na kaugnay sa aking pag-aaral—mahirap magkaroon ng bakanteng oras dahil gugugulin ko ito malamang sa pag-iisip sa kalagayan ng mga magulang ko.

Madalang ko silang makausap dahil walang signal sa mga komunidad na pinupuntahan nila. Sa mga gabing wala akong balita, pinipilit kong ibaon na lamang sa tulog ang mga haka-hakang gawa ko na baka nasa panganib sila o kung anuman. Ngunit ganun din, wala akong kawala, dahil bangungot naman ang kahahantungan ko.

Kung ako ang tatanungin, nais ko nang itigil ng mga magulang ko ang community work nila. Sa tingin ko kasi ay walang kahahantungan ang pagtulong nila kung talamak din naman ang kaso ng pambubusabos—wala naman silang mapapala kung karahasan ang sukli sa kabutihang-loob nila. Masarap man pagmasdan ang mga ngiti ng mga residenteng nakakasama nila sa mga litratong ipinapadala nila sa akin, ibang usapan na kung seguridad at kaligtasan nila ang nakataya.

Minsan nga ay nag-away kami ni Nanang dahil sa sentimyento kong ito. Tinawag niya akong makasarili at hindi marunong makipagkapwa-tao. Buti na lang at nandun si Tatang upang awatin siya mula sa pagbibitaw ng matatalas pang mga salitang tumatagos hanggang buto.

Umiyak ako, humingi ng tawad, ngunit ‘di ko binawi ang mga sinabi ko. Umiyak din si Nanang, humingi ng pag-unawa, ngunit patuloy siyang nanindigan sa pinili nilang landas ni Tatang.

Hanggang ngayon, matapos noon, sinusubukan kong unawin ang alinmang desisyong ginawa ng mga magulang ko. Marahil sa pagdating ng panahon ay magbago ang isip ko, ngunit sana lang ay kasabay nito ang pagpapalit-hubog ng lipunan kung saan hindi dehado ang mga gaya ng mga magulang kong ninanais lamang tumulong sa kapwa. ■

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12048

Posted by on Apr 25 2017. Filed under Kolum, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.