|

Retorika ng ina mo

OPINYON

■ Sheila Abarra

Wala naman talagang pruweba ang nanay ko noon na may lalabas na pari o kanin ‘pag ginalaw ko ang sugat ko, pero naniwala ako. Ito ang aking ginagamit na alas sa aking paglaki sa tuwing makikipagsugal ako sa nanay ko sa usapin ng kredibilidad ng kaniyang mga sabi-sabi. Gayunman, higit pa sa taglay na hiwaga’t sining ng pagsisinungaling ng mga nanay, hindi mawawala ang kapangyarihan niyang itakda na kahit anong gawin mo, siya pa rin ang masusunod.

May mga pagkakataong nanalo ako sa litanya ni Inay na batas sa aming bahay. Noong nanonood kasi kami ng balita sa TV, isa siya sa mga naguguluhan sa pagpanig hinggil sa pagtanggi ng Commission on Appointments (CA) sa mismong pagtatakda at mga panukala nina Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo and Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.

Wala rin kasing panig si Inay sa natigil at muling naibalik na peace talks o usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Partido Komunista ng Pilipinas. Hindi ko tuloy maiwasang maisip ang hindi rin pirming desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya iniwan niya sa CA ang pagpapasya sa kung saan madedestino ang dalawang kalihim.

Hindi lamang sina Secretary Taguiwalo at Mariano ang tinanggihan ng CA; nariyan din sina Foreign Secretary Perfecto Yasay Jr., Environment Secretary Regina Lopez, at Health Secretary Paulyn Ubial. May kani-kaniya silang isyung kinakaharap at tila isang malaking teleserye na ang mga balita sa TV.

Habang abala ang pangulo sa pagkwestiyon sa citizenship ni Secretary Yasay, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, mayroong umanong audit failure sa mga panukala ni Lopez ukol sa pagmimina. Kapansin-pansin ang paglabas ni Duterte sa usapan, gaya ng mga “basta” ni Inay ‘pag gusto na niyang tapusin ang aming away.

Sa kabila ng modang ito ng pangulo, hindi pa rin nawawala ang kaniyang mga taga-suporta dahil sa mga salita niyang tila mga bulaklak na gawa sa bakal—nakasisindak at nakahihimok. Ganito rin ako nakumbinsing hindi na lamang umimik sa tuwing pagagalitan ako ni Inay.

Nang sabihin ko ang aking mga pagpapalagay kay Inay, naramdaman ko ang paglaya mula sa kadena ng hiwaga sa mga salita, tungo sa malinaw at tunay na kahulugan ng mga ito. Gayundin, kailangang matutunan ng bansang tanungin ang pangulo upang makawala sa malalabong argumento na nagpapaigting lamang ng interes sa kapangyarihan.

Na’kay Pangulong Duterte ang kapangyarihan sa tuwing nananalo siya gamit ang mga walang tindig niyang mga desisyon. Marapat lamang na hindi pumirmi ang taumbayan at magtanong kung “bakit” at hindi dapat makuntento sa mga katagang “Change is coming.”

Wala pa ring pinal na kalutasan dahil hindi pa sapat ang aking paliwanag upang makapagdesisyon si Inay. Natapos na rin ang balita sa TV at natigil na ang pagtatalo, ngunit tiyak akong sa susunod, mas magiging malinaw at patas ang aming mga baraha.

Madedestino na ako sa mas mataas na posisyon sa gabinete ni Inay, tanda na batid at isinasaalang-alang na niya ang aking mga kumento at palagay. ■

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12046

Posted by on Apr 25 2017. Filed under Kolum, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • 03607: Really Kule, you let self-indulgent twits like this guy here write for you? The pretentiousness in this...
  • Ehnn Sebastian: cool.
  • Alfredo: Versatility. U.P. as a credible award giving body. RP Cinema’s Best Actress of All Time By Nonoy L. Lauzon...
  • Kevin: Lahat naman ng akitibista ginagawa ang lahat para atakihin ang admin. lame.
  • Cecilio: You are adding insult to injury