|

Hanggang sa pamumulaklak ng sunflowers

OPINYON

■ Chester Higuit

Sablay.

Nalalapit na ang pagtatapos, subalit malayo pa ang tuluyan kong paglaya sa unibersidad. Noong mga nakaraang araw, patuloy akong nilulubid ng maraming pag-aagam-agam kaya naman ‘di makahakbang pasulong. Batbat ako ng mga pangamba sa aking magiging trabaho sakaling matapos sa kolehiyo, o sakaling tuluyang makaalpas sa Kulê.

Mag-aapat na taon na akong sumisipat at gumuguhit ng larawan ng mga manggagawa. Laman ng bawat dibuho at larawan ang pare-pareho at paulit-ulit na pananamantala bagama’t iba’t ibang mukha: mula sa uniporme ng kontraktwal na guwardiya ng UP, sa palad ng mga kargador sa Navotas na sinasahuran nang mababa depende sa bilang ng nabubuhat, hanggang sa magulang ng mga manggagawang nasawi sa Kentex.

Masalimuot ang usapin ng hustisya sa mga pagawaan. Umagos na ang dugo ng mga biktima ng panggigipit at kontraktwalisasyon, subalit wala pa ring nanagot sa batas. Wala ring pagkatuto sa Kentex at naganap pa ang sunog sa HTI.

Pinaslang ang mga manggagawa dahil sa pagnanasang makapagkamal ng mas malaking kita.

Nakadidismaya naman na ang inaasahang tulong mula sa pamahalaan ay hindi maipagkaloob sa mga manggagawa. Itinuturing na pribilehiyo ng pamahalaan ang pag-aaral sa kolehiyo, samantalang hindi nito maitaas ang pasahod sa mga trabahong binibigay lamang sa mga nakapagtapos ng high school. Ginigipit ng mga namumuhunan ang sweldo ng mga manggagawa at pinapaburan ito ng pamahalaan.

Sa National Capital Region, umaabot lamang sa P481 ang minimum wage samantalang nasa P1,088 ang family living wage kada araw. Kapos na kapos kaya naman nagdodoble kayod sa dalawa o higit pang trabaho.

Ang mga naratibong ito ang hindi kayang bitawan ng aking kamera at ng aking pangguhit. Bilang isang alagad ng sining, nangangamba akong sakaling makakuha na ng diploma, mapapadpad lamang ako sa mga kumpanyang mapansamantala hanggang sa ang mga linyang iguguhit ko’y itutuon na lang sa salapi; ang lente ng kamera ko’y ilalaan na lamang sa mga produkto, mula sa pampakinang ng buhok, hanggang sa pampakinis ng sapatos na marahil ay likha ng kontraktwal na paggawa.

Maaari ring mapadpad ako sa ibang bansa para sa mas mataas na kita. Ito’y hanggang sa mabura ang imahe ng Pilipinas sa aking mga dibuho, at kumupas ang matitingkad na larawan ng mga maralitang kapwa ko namomromblema sa sweldo at kontrata.

Hindi pamilyar na tanawin ang bukas, at natatakot akong mapadpad sa trabahong malayo sa mga naumpisahan ko sa pamantasan. Nais kong ipagpatuloy ang mga nasimulan sa Kulê, subalit nakadisenyo ang lipunan na itulak ang tulad kong magsilbi sa mga negosyo.

Noong nakaraang linggo, nakatanggap ako ng tumataginting na singko dahil sa kawalan ko ng interes sa asignaturang nakatuon sa pagsisilbi sa mga kompanya at pagpapalaki ng kita.

Nakaririmarim, lalo na kapag binabalikan ko ang sunog sa Kentex at HTI, ang panggigipit sa sahod, at ang pagbabaliwala sa ambag ng mga manggagawa sa negosyo.

Nais kong gumuhit ng mga dibuho liban sa hinihingi ng kapital, nais kong kumuha ng larawan liban sa mga produkto, nais kong mag-ambag sa pagdidisenyo ng isang lipunang nakatuon sa pagpapaunlad ng mamamayan, at hindi sa salapi ng iilan.

Hindi na ako makasasablay ngayong Hunyo, subalit sinisikap ko pa ring ipagpapatuloy ang nakagawian.  Hanggang sa pamumukadkad ng sunflowers kung kailan isa sana ako sa mga magmamartsa sa Quezon Hall, matutuwa akong alalahaning na-delay ako dahil sa pagrerebelde sa asignaturang nakasandig sa interes ng kapital. ■

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12086

Posted by on Jun 6 2017. Filed under Kolum, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.
  • Benzayb: Lindotay man imong kolum ate. Padayon lang sa pagsulat kay sa pagsulat, naa kay mapadasig na tao na...
  • sacia cerenado: Good
  • Mernilyn Lamadora: Congratulations! We are very proud of you as JCMPHS alumnus. Napakahusay mo!