|

Anatomiya ng paglimot

OPINYON

■ Sheila Abarra

Hindi ito ang Faculty Center sa aking alaala.

Isang malaking bundok na ngayon ng pinaghalong pira-pirasong konkreto, kahoy, at papel ang dating tahanan ng mahuhusay na artista, manunulat at kritiko.

Awtomatikong papasok sa’king isipan kung paano nilamon ng apoy noong ika-1 ng Abril ang gusaling iyon. Mainit at nakapapaso pa rin sa dibdib dahil kung may gusali mang nakasaksi sa first at tanga moments ko, FC ‘yun. Hindi rin naman siguro ako iba sa lahat ng freshies bilang dumaraan naman ang lahat ng UP students dito at sa AS.

Kasunod ng mismong trahedya ang dalamhati at pagbabalik-tanaw. Namahay sa FC hindi lamang ang mga kakatwang elemento (kwento-kwento ang engkanto sa punong-kahoy sa gitna ng gusali) kundi maging mga estudyanteng nahikayat sa sining dahil sa GE courses.

Sinasalamin ng trahedya ang reporma sa kurikulum kung saan babawasan ang yunit ng GE sa lahat ng UP units. Tahanan ng GE ang FC at kapwa itong ginigipit ng UP—marahil ikatlong yugto ng paglimot.

Pagkatapos ng lahat ng forum ukol dito, dumating na sa ikaapat na yugto ang UP. Sinimulang gibain ang gusali noong ika-27 ng Marso—mag-iisang taon matapos ang sunog. Kinakain na ng limot at abo ang natirang haligi ng gusali at hindi napigilan ng propesor kong mamuhi sa hindi man lamang pag-iiwan sa tarangkahan ng gusali bilang paggalang at pagbibigay-pugay sa mga natitirang alaala.

Hindi pa kumpirmado ngunit laman na ng bali-balita ang pagtatayo ng “Faculty Commons” sa naabong FC—handa na ngang lumimot ng UP. Nakalulungkot isiping kaiba sa buhay ng tao kung ituring ng unibersidad ang mga gusaling nagsilbing kaluluwa nito. Masalimuot, nakagigimbal, gigibain na lamang pala ng UP pagdating ng panahon ang mga matatandang gusaling kumanlong sa linangan ng iba’t ibang larangan.

Kung maghuhukay ng alaala, freshie pa lamang ako nang ilabas ng Commission on Higher Education ang CHED Memorandum 20 na naglalayong bawasan ang yunit ng GE sa kolehiyo mula 63 o 51 patungong 36. Binigo agad ako ng UP—kung mawawala ang Filipino sa kurikulum, paano na ang mga gaya kong nangangarap maging manunulat? Paano na ang mga propesor na tagapagtaguyod ng wika’t pagkamakabayan?

Tunay na dapat magtayo ng panibago kung tuluyan nang natupok ngunit hindi maaaring ipagpaliban ang pagpapabaya sa gusali. Nasunog ang FC dahil sa kawalan ng kaukulang suporta ng administrasyon para masiguro ang kaligtasan nito.

Sa kabila ng mga tuluyang paglimot, hindi lamang sa orihinal na karakter ng FC kundi maging sa dahilan kung bakit ito nasunog, marapat na manindigan tayo upang muling ipaalala ang daan tungo sa tamang landas—huwag limutin ang karangalan ng FC at kapabayaan ng administrasyon dito.

Nananatiling matatag ang bawat propesor, kawani, manggagawa at estudyanteng sumusuporta sa FC. Sa kabila ng paglilipat sa maliliit na kwarto sa isang bahagi ng Acacia Residence Hall, nag-uumapaw pa rin ang kagustuhan ng mga propesor na maituro at mapayabong ang lisya ng GE couses sa bawat iskolar ng bayan.

Ganito ang ipinapaalala ng bawat paglimot—muling iipunin ang abo at ipupunlang gaya ng lahat ng pagsisimulang nasaksihan ng FC; sampu ng mga diwata, ni Magdangal at lahat ng nangangarap maging alagad ng sining at panitikan.

Tunay na pagmamahal sa bayan ang susi sa pag-unlad—mababasa ito sa bawat aklat at maikukwento ng mga dingding ng naupos na gusali. At ito ang dapat manatili sa anumang bagong istrukturang itatayo. ■

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12094

Posted by on Jun 16 2017. Filed under Kolum, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • 03607: Really Kule, you let self-indulgent twits like this guy here write for you? The pretentiousness in this...
  • Ehnn Sebastian: cool.
  • Alfredo: Versatility. U.P. as a credible award giving body. RP Cinema’s Best Actress of All Time By Nonoy L. Lauzon...
  • Kevin: Lahat naman ng akitibista ginagawa ang lahat para atakihin ang admin. lame.
  • Cecilio: You are adding insult to injury