|

Sumulong, lumaban

EDITORYAL

Bagong simula ang bawat pagtatapos at nagpapatuloy ang hamon sa mga Iskolar ng Bayan na humakbang pasulon — bagtasin ang landas ng pagbabago kasama ng taumbayan sa labas ng pamantasan.

Nananatiling ilusyon ang pangakong pagbabago ng administrasyong Duterte para sa mga Iskolar ng Bayan at sa sambayanan. Bagaman tunay na mga reporma ang binubuksan sa muling pagpapatuloy ang usaping pangkapayapaan, hinahadlangan ito ng mga palisiyang kontra-mamamayan na inilulunsad ng pamahalaan.

Kasalukuyang binabalot ng matinding ligalig ang Mindanao nang ideklara ang Martial Law noong Mayo sa buong rehiyon sa layong sugpuin umano ang teroristang Maute sa Marawi City, Lanao del Sur. Ngunit ang walang habas na pambobomba ng militar sa mga komunidad ay nagdulot ng panibagong sakuna: mahigit 210,000 indibidwal ang sapilitang lumikas at kasalukuyang nakararanas ng matinding gutom batay sa tala ng Department of Social Welfare and Development noong ika- 5 ng Hunyo.

Gayundin, nagpapatuloy sa labas ng pook ng tunggalian ang siklo ng pandarahas at pagsikil sa karapatan ng mamamayan. Libong buhay na ang kinitil ng palisiyang Oplan Tokhang ni Pangulong Rodrigo Duterte—buhay ng maralitang walang trabaho at nakatira sa mga lugar na hikahos sa libre at makamasang serbisyong panlipunan.

Isang taon na ngunit wala pa ring malinaw na tugon sa mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka’t manggagawa: kawalan ng tunay na reporma sa lupa at pagwawakas ng malawakang kontraktwalisasyon sa bansa. Nanatiling haraya ang pagkakaroon ng libre at de-kalidad na edukasyon para sa mga kabataan, gayundin ang pagtatatag ng isang nagsasariling palisiya na maggigiit sa kalayaan at soberanya ng bansa.

Bunsod nito, hinahamon ang mga magsisipagtapos na bakahin ang mga isyung ito na matagal nang pasakit sa malawak na hanay ng taumbayan Saksi ang kasaysayan sa kakayahan ng mga Iskolar ng Bayan na magpayabong ng diskurso, mag-aklas laban sa mapaniil na mga patakaran at lumikha ng makabuluhang pagbabago.

Ngunit labas sa tangkang pagsasa-ideyal sa kanilang husay at karangalan, makakamit lamang ng mga kabataan ang radikal na pagbabagong-hubog ng lipunan kung kasama nilang susulong ang sambayanan. Ito ang panahon upang higit na makiisa ang mga kabataan sa laban ng masang naaapi, mag-organisa at manguna sa pagbuo ng mga konkretong solusyong lulutas sa materyal na kondisyong nagluluwal ng kahirapan.

Sa kasalukuyan, may pangangailangang bumuo ng sariling mga pambansang industriya kasabay ng pagbabatibay ng pundasyon ng agham at teknolohiya sa bansa. Malaki ang maaaring maiambag ng mga nagsipagtapos mula sa Kolehiyo ng Agham at Inhinyeriya sa pangangailangang ito upang maghawan ng landas tungo sa ikauunlad ng buhay ng bawat mamamayan.

Upang igarantiya ang karapatan ng bawat isa at pagkakapantay-pantay sa ilalim ng batas, dapat bakahin ng mga susunod na abogado ng baya’t nasa linya ng agham pampulitika ang mga harang sa pagkamit ng hustisya para sa mga pinagsasamantalahan at naaapi. Sa kabila ng mga kasunduang nagbibigay proteksyon sa karapatang-pantao, patuloy pa rin ang pagdami ng bilang ng mga bilanggong-pulitikal, desaparecidos at biktima ng extrajudicial killings.

Laging may espasyo sa malawak na pagkilos ng mamamayan ang bawat Iskolar ng Bayan na handang mag-alay ng kanilang dunong at lakas. Sa panahong nilulubid ng pag-aalinlangan at krisis ang bansa, papel ng kabataan ang magsuri nang kritikal, aktibong makisangkot at mangahas ng mga bagong alternatibo.

Ang araw ng pagtatapos ng mga Iskolar ng Bayan ay simbolo ng higit na paninindigan at pagtanggap sa mandato na patuloy na paglingkuran ang sambayanan. ■

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12144

Posted by on Aug 5 2017. Filed under Editorial, Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.
  • Benzayb: Lindotay man imong kolum ate. Padayon lang sa pagsulat kay sa pagsulat, naa kay mapadasig na tao na...