|

Salita ay sandata

Kultura

● Sheila Abarra

 

Nakaligpit nang muli ang mga barong, baro at saya. Setyembre na at ang ideya ng wikang dumadaloy sa bawat Pilipino ay nagmistulang alon—humahampas lamang, saka muling babalik sa karagatan palayo sa atin.

Higit pa rito ang wikang nais ipatampok ng selebrasyong Buwan ng Wikang Pambansa, ngunit hanggang ngayon, nakakahon lamang ito para sa mga Tagalog. Sa halip na makilala ng bawat Pilipinong mag-aaral ang karakter ng ating wika bilang sari-sari at punung-puno ng iba’t ibang tradisyong mula sa napakaraming kultura, nakalilikha ito ng nosyon na ang wikang Filipino ay Tagalog lamang.

Ang ugat ng pagsasantabi sa mayamang kulturang Pilipino ay mababakas sa ideya ng wikang Pambansa na mayroon tayo ngayon at nananatiling himbing sa pagkakaidlip. Ang alimpungat ng mga argumento tulad ng kung Buwan ng Wikang Pambansa ba dapat o Buwan ng mga Wika ang tawag sa okasyon, ay hudyat ng paggising.

Tala ng kasaysayan
Binigyang kahulugan ni Prof. Bienvenido Lumbera ang wika bilang isang kaisipang mula sa bawat indibidwal na parte ng malawak na lipunan. Bitbit ng ideya ng wikang Filipino ang kahingiang malikom at mapag-ugnay ang lahat ng kaisipang ito mula sa wika.

Ang kalituhan kung Filipino ba o Tagalog ang dapat itawag sa wikang ginagamit natin sa pambansang konteksto gaya ng sa mga pagdinig sa senado at kongreso, ay senyales ng hindi malinaw na pagpapakilala sa Filipino bilang wikang pambansa.  

Nagsimula ang “panitikan ng Pilipinas” na eksklusibo lamang sa wikang Tagalog, Ingles at Espanyol. Taong 1935 nang binuwag ito ng paglikha ng wikang Pambansa. Isa itong malaking hakbanging ginawa ni Wenceslao Vinzons, politiko at lider ng gerilya noong panahon ng Hapon, upang makawala ang bansa sa pagkakatali sa kolonyal na oryentasyon ng wika sa bansa.

Nakasaad sa Konstitusyong 1987 na Filipino ang opisyal na wikang gagamitin sa instruksyon at komunikasyon. Ngunit itinatali ang wikang pambansa sa Tagalog dahil hinulma ang wikang pambansa mula rito, lalo’t nakararami ang gumagamit ng Tagalog. Sa kabila nito, ang higit na tungkulin ng Filipino ay maging tulay ng iba’t ibang kultura, pananaw at mga pagbabago.

Mula noon hanggang ngayon, umuusbong ang mga bagong porma gaya ng sosyolek o jargon ng lipunan na jejemon at bekimon, na patuloy na dumadagdag sa maraming barayti ng wika.

Ang patuloy na paghingi ng bago ay natural na tendensiya sa lipunang patuloy ding nagbabago. Kung kaya mahalaga para sa isang wikang pambansa ang masusing pag-aaral at pag-unawa sa bawat pagbabago saka ang hakbanging masaklaw ito.

Hati-hating pananaw
Isa ang Pilipinas sa namumukod-tanging mga nasyon na may iba’t ibang wika at kultura. Hindi dapat tingnang kahinaan ang pagkakaiba-iba dahil ang lahat ng wika ay may ambag sa diskursong Filipino, ayon kay Prop. April Perez ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Kailangan din daw kilalanin ang pagiging katangi-tangi ng bawat wikang mayroon ang mga etnolinggwistikong grupo.

Nilalaman ng mga diskusyon batay sa pagkakaiba-iba ng wika at kulturang Pinoy kung Buwan ng Wika ba o Buwan ng mga Wika ang nararapat. Nabubuksan ang ganitong kaisipan dahil nararamdaman ng ibang wika ang pambubukod at pansasantabi dahil kung tutuusin, mangilan-ngilang epiko lang naman mula sa Mindanaw at Visayas ang tinatalakay sa hayskul at kolehiyo.

Sa panahong ganap ang pagkakahati-hati, kahingian ang pagpapatampok ng mga naisasantabi sa pamamagitan ng mayamang pag-aaral sa panrehiyunal na panitikan. Sa ganitong paraan, mas magiging malawak ang pang-unawa sa iba’t ibang wika.

Subalit taliwas sa layuning kilalanin at pagbuklurin ang mga kultura sa pamamagitan ng wika, lalong isinusulong ng administrasyong Duterte ang paghihiwa-hiwalay sa saliw ng itinutulak na federalismo. Bagaman may distribusyon ng kapangyarihan sa bawat lokalidad, dedepende pa rin sa kolonyal na batas ang pagpapalawak ng rehiyunal na diskurso sa bansa.

Mapanganib ang rehiyunalismo na kalakip ng federalismo. Imbis na pagkaisahin, lalo lamang magiging ganap ang kompetisyon at pagkakahati-hati ng mga rehiyon na may iba’t ibang tradisyon at kultura.

Sa panahong pilit tayong hinahati, ang tungkulin ng wikang Filipino ay masaklaw ang lahat ng wika sa bansa bilang isang bayan. Mahalaga ang papel ng mga institusyong pang-wika sa layuning pagbuklurin ang bayan, ngunit tila hindi nagagampanan ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang pagsasaayos ng kalagayan ng diskursong Filipino.

Lunsaran at pagsulong
Itinatag noong 1936 ang Surian ng Wikang Pambansa na ngayon ay mas kilala na bilang KWF. Nagpapalit lang ng pangalan at hindi nawawala ang mga institusyon ngunit hindi dama ang kanilang pakikisangkot sa iba’t ibang isyung pulitikal tulad noong diktadurang Marcos. Sa ganoong panahon mas kinakailangan ang suporta ng institusyon upang mahamig at mabuklod ang bansa laban sa rehimen.

Bahagi ng KWF ngayon ang mga batikang manunulat na partisano sa kilusang lihim na sumusuporta sa diktadurang Marcos noon ayon sa mga nailimbag na aklat ng prominenteng kritikong si Tomas Agulto—bagay na nagpapakita ng tuwirang pagpapasailalim ng KWF sa dikta ng Malacañang hanggang ngayon.

“Wikang Filipino: Wikang Mapagbago” ang piniling tema ng KWF para sa nagdaang Buwan ng Wika, alinsunod sa mantrang “change is coming” ng administrasyong Duterte. Sa kabila ng ginamit na tema, nananatiling tikom ang KWF sa giyera kontra-droga ng Pangulong Duterte. Walang matibay na suporta ang institusyon sa mga manunulat na tumututol sa karahasan ng rehimeng Duterte, tulad ng nailulunsad na mga tulang protesta.

Hindi nagagampanan ng KWF ang kanilang tungkuling pakilusin ang mga manunulat para sa tunay na pagbabago dahil sa halip na yakapin ang orihinal na layon ng institusyon, pinangatawanan lamang nito ang pagiging kasangkapan ng estado.

Wika dapat ang lunsaran sa pag-iingay tungkol sa mga isyung kinahaharap ng bansa at nagsisilbing tagapagpadaloy ng diskusyon. Sa panahong tila mahirap nang paniwalaan ang konsepto ng wikang pambansa, mas kinakailangang pagtibayin at iangkop ang tuon at tunguhin nito sa bawat panahon.

Bagaman nailantad na ang napakaraming kinakailangang sinupin sa kasalukuyang porma, mga institusyon at mismong nosyon ng wikang pambansa, mahalagang nasimulan ito sa tamang layunin. Ang pagbabaling sa iisang layuning umunlad ang susi sa mabisang pagbubuklod ng lahat ng wika at kultura ng bansa. ●

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12247

Posted by on Oct 4 2017. Filed under Headlines, Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.
  • Benzayb: Lindotay man imong kolum ate. Padayon lang sa pagsulat kay sa pagsulat, naa kay mapadasig na tao na...