|

Pamilihan ng Puso*

Kultura

● Allan Dee

 

“Paano ka tatama kung hindi ka naman sumusugal?”

At isang nahihiyang “haha” lang ang naisagot ko nang sa wakas, niyaya mo akong makipagkita sa’yo. Hindi ko kasi alam kung ano ang dapat isagot kapag nakukulong na sa mga ganito. At sa oras na magtama ang mga mata nati’y mag-iiwasan tayo, o ‘di kaya’y matuloy sa isang pagkakataon. Wala pa man akong sagot, dalawang bagay na ang tumatakbo sa isip ko – pareho tayong dumating sa tagpuan at sa oras na magtama ang mga mata nati’y mag-iwasan tayo, o ‘di kaya’y matuloy sa isang matinong date, na sa tantsa ko’y malabong mangyari.

Kung tutuusin, suntok sa buwan ang pag-“swipe right” ko sa’yo. Mahiyain ako at hindi sanay makihalubilo sa tao. Kaya nga ako pumasok sa masalimuot na mundo ng online dating tulad ng iniaalok ng Tinder. Ito lang kasi ang pinakamadaling paraang nakikita ko para makahanap ng pag-ibig ang mga katulad kong hindi kayang sumabak sa pakikipag-date sa totoong buhay. At kung sakaling hindi man magtagal o bigla na lang mawala, marami pang nakaabang na puwedeng pagpilian.

Dahil sa birtwal na mundong ito, risk-free ang pag-ibig. Kailangan ko lamang ilako ang sarili sa limitadong impormasyon maaari kong ibigay—pangalan, edad at larawan—at sa huli ako higit na bebenta. Mga litratong walang pang-itaas, nakataas ang kilikili, lahat sa pag-asang may nais makipag-“match” sa akin, at pinalad akong isa ka roon.

Saktong-sakto ka sa tipo ko: borta, singkit ang mga mata at mabalahibo ang dibdib. Kaya nung nagka-match tayo, wala na akong pakialam sa iba pang mas gwapo at mas matikas pang nagkalat sa Tinder.

Gabi-gabi sa loob ng dalawang linggo tayo magkausap. Gabi-gabi rin nating pinupunan ang pantasya natin sa isa’t isa hanggang sa hindi na lamang sapat ang palitan ng mga salita. Sabi mo, oras na para mga balat naman natin ang magkaniig. Kaya pumayag na rin ako sa kabila ng pagdadalawang-isip.

Banayad ang daiti ng balat mo sa’kin, ngunit napansin kong hindi ka kasing-kinis ng inaasahan ko. Isa akong manlalakbay na paulit-ulit na binabaybay ang iyong katawan, subalit tila hindi pamilyar ang lugar na ginagalugad. Tatlong beses pang naulit ang ating pagkikita; at tatlong beses mo na ring pinakita sa’kin ang pasikot-sikot sa katawan mo. Pero hindi ko maintindihan kung bakit lagi’t lagi pa rin akong naliligaw. Hindi ba’t ilang beses tayong nagbilangan ng sugat sa katawan, nagpakitaan ng kaluluwa?

Natapos ang ikaapat at tuluyang natigil ang ilusyon. Hindi na kita nakita sa dati nating paboritong tagpuan. Walang duda, may bago ka na mula sa limampung matches at koleksyon ng mga larawan, sa limampung ipinagmamalaki mong posibilidad, sa limampung pansamantala. Tanga lang ako para isiping iba ako sa marami pang tumatangkilik.

Paunti-unti, sinusubukan kong bumalik ulit sa pakikipag-date. At sa susunod na magkita tayong muli, masaya kong papatunayan sa ‘yo na ang pag-ibig ay hindi isang pamilihan, hindi ito naghahangad para sa sariling kapakinabangan.

Malinaw na ngayon sa aking lahat – dito sa pamilihan ng puso, susugal at susugal tayo. Ngunit hindi para sa ganda, sa dangal ng irog, sa nasa, kung hindi para sa isang tunay na pag-ibig na yayabong lamang sa labas ng birtwal na mundong ito. ●

*pasintabi kay Jose Corazon de Jesus

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12250

Posted by on Oct 5 2017. Filed under Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.
  • Benzayb: Lindotay man imong kolum ate. Padayon lang sa pagsulat kay sa pagsulat, naa kay mapadasig na tao na...