|

Balangkas ng Paglaban

Lathalain

 ■ MJ Paez-Evora

Sabi nila, ang karanasan ang pinakamahusay na guro. Kung gayon, ang mga nasa laylayan ay dalubhasa na sa iba’t ibang uri ng karahasang ipinapataw ng estado.

Langit ang mistulang bubong sa tuwing nag-aaral ng agrikultura. Bulubundukin ang tanaw sa mga bintana ng silid-aralan. Ngunit kakambal ng mapayapang imaheng ito ang anino ng karahasan. Noong Hulyo 6, 2017, binagabag ang tahimik na ulap ng mga eroplanong may kargang bomba. Kasabay ng rumaragasang agos ng ilog ang nagmamadaling mga talampakan upang isalba ang kanilang buhay.

Mahigit dalawang taon na ang nakalipas nang patayin ng mga miyembro ng grupong paramilitar na Magahat Bagani ang tatlong pinunong Lumad sa harap mismo ng mga residente. Bahagi lamang umano ito ng operasyon upang puksain ang rebeldeng grupong Maute. Subalit hindi na papayag pa ang mga katutubo na muling dumanak ang dugo sa lupang ninuno.

Kaya naman nagtungo sila sa kalunsuran upang igiit sa pamahalaan ang kanilang mga karapatan. Kasabay ng Lakbayan, ipinagpatuloy ng mga kabataang Lumad ang pag-aaral sa pagtatayo ng Paaralang Bakwit sa UP International Center. Gaya ng panandaliang eskwelahang ito, ang mga mga karahasang nararanasan ng mga katutubo ang siyang nagtulak sa kanilang magtayo ng mga alternatibong paaralan sa kanayunan. Sa mahabang kasaysayan ng pagtapak sa kanilang mga karapatan, edukasyon ang sandatang kanilang tangan.

Araling Panlipunan
Saksi ang kasaysayan na panunupil ng estado ang naging tuntungan sa pagsibol ng mga alternatibong paaralan.

Halos kakaluklok pa lamang ni dating Pangulong Corazon Aquino nang ipatupad niya ang Oplan Lambat Bitag, isang “total war policy” laban sa mga rebelde. Pinaigting nito ang militarisasyon partikular na sa Lianga Bay at Benguet na pinag-aagawan ng malalaking kumpanya ng pagtotroso at pagmimina. Napadali ang pandarahas at pagpapalayas sa mga katutubo habang lumawak ng husto ang mga dayuhang proyekto.  

Sa panahon kung kailan umigting ang karahasan, nagsimula ring umusbong ang organisadong paglaban ng mga katutubo. Binuo ng mga bakwit ng Surigao del Sur ang Malahutayong Pakigbisog alang sa Sumusunod (MAPASU) na nangangahulugang “walang humpay na pakikibaka para sa susunod na henerasyon.” Mula rito, umusbong ang Tribal Filipino Program of Surigao del Sur Inc. (TRIFPSS) at Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development Inc. (ALCADEV), mga paaralang Lumad.

Ang kasaysayan ng mga alternatibong paaralan ay hindi hiwalay sa kasaysayan ng pagprotekta sa lupang ninuno. Tinangan bilang sandata ang mga libro, tisa, at pisara sa kanilang paglaban para sa mga karapatan.

“Yung mismong edukasyon [at] eskwelahan, ekspresyon siya ng kagustuhang makapag-aral, na makatakas sa kamangmangan, na makalayo doon sa panloloko, at malaman yung karapatan ng mga Lumad—karapatan sa lupa, sa sariling pagpapasya [at] sa edukasyon,” ani Kenneth Cadiang, guro sa ALCADEV na nagtapos sa UP Diliman.

Agham at Kultura
Sa alternatibong paaralan, nakaugat ang bawat leksyon sa katutubong kultura at kasaysayan ng pagdepensa sa lupang ninuno. Alinsunod dito, ang uri ng edukasyong nakakamit sa mga paaralang ito ay makamasa, makabayan, at siyentipiko.

Bagamat halos magkapareho ang mga asignaturang itinuturo sa regular na eskwelahan, lapat sa katutubong kultura ang bawat leksyon sa alternatibong paaralan. Kaya naman ang agrikultura ay mahalagang bahagi ng kanilang kurikulum. Tinuturuan sila kung paano magtanim at mag-alaga ng hayop.

Higit pa rito, ang bawat asignatura ay hindi hiwalay sa komunidad. “A is for agohoy (mais) imbis na apple,” ani Ramil Miguel, guro sa Salugpungan Ta ‘Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc (STTILC).

Bahagi rin ng kanilang edukasyon ang katutubong kaugalian. Sa pagbibigay ng grado, iniiwasan ng ALCADEV ang lamangan kaya’t walang konsepto ng paglalahad kung sino ang sampung pinakamagagaling sa klase. Bagaman may class card, ito ay para lamang makita kung saan ang kalakasan at kahinaan ng mag-aaral.

Ayon kay Cadiang, lapat ito sa paniniwalang pantay-pantay ang pagmamay-ari ng lahat sa lupa. Kaakibat din nito ang mandatong protektahan at paunlarin ang lupang ninuno na makakamit lamang sa kolektibong pagkilos. Sa kasamaang palad, ang prinsipyong ito ang siyang pinupuksa ng mga dayuhang nagnanais kamkamin ang lupain. Katuwang ang estado, sistematiko nilang dinadahas ang katutubo upang likumin ang yaman ng kalikasan sa palad ng iilan.

Matematika at Taktika
Dahil ang pagkamulat ang simula ng paglaban, sistematikong dinudurog ng estado ang mga naitayong alternatibong paaralan.

Sa kasalukuyang administrasyon, 39 na mga paaralan na ang pwersadong isinara dahil sa pagkakampo ng militar 

Ayon kay John Timothy Romero, guro sa Center for Lumad and Advocacy Services Skul di Banwe (CLANS), sistematiko ang pandarahas sa mga paaralan kung saan tinatakot ang mga guro maging ng lokal na pamahalaan.

Sa Sultan Kudarat, nagbanta si Mayor Ronan Garcia na gagamitin niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para hulihin ang mga gurong sumusuporta sa CLANS. Gayundin ang karanasan ng ALCADEV kung saan sinampahan ng mga gawa-gawang kaso gaya ng child abuse ang mga guro.

Pinararatangan ding tagasuporta ng rebeldeng grupo ang mga komunidad. “Ginagamit nila yung salitang ‘NPA’ [at] terorista kasi hindi naman pwedeng sabihin nila, ‘umalis kayo diyan kasi mag-mining kami,” ani Miguel.  

Malinaw sa mga guro ng mga alternatibong paaralan na ang mga atakeng nagaganap ay hindi hiwalay sa kanilang laban sa karapatan sa lupang ninuno. “Ayaw nila na andun ang mga paaralan kasi doon namin tinuturuan ang mga bata kung paano manindigan sa kanilang mga karapatan, kung paano nila paninindigan yung lupang ninuno nila,” ani Evelyn Cabangan, guro sa Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. Academy (MISFI).

Alternatibong balangkas
Patunay ang mga alternatibong paaralan na sa umiigting na pandarahas, makatwirang sisibol ang paglaban para sa karapatan. Mga araling magdedepensa ng kanilang kultura at lupang ninuno ang siyang nilalaman ng kanilang mga kwaderno.

Nagsisilbing inspirasyon ang mga alternatibong paaralan sa kanilang makamasa, makabayan, at siyentipikong edukasyon. Pagbalikwas sa kasalukuyang makadayuhang sistema ng pagkatuto ang tunay na kinakailangan ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Higit sa inspirasyon, isa itong hamon na ipagpatuloy ang kanilang sinimulan. Hindi estado ang naglatag ng pundasyon ng mga alternatibong paaralan. Bagkus, sama-sama nilang itinayo ang mga ito. Sirain at sunugin man, lilikumin ang natirira at pupunan ito ng mas matibay at mas malawak na pakikipaglaban ng mamamayan.  

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12259

Posted by on Oct 17 2017. Filed under Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.