|

Kamusta ka, M?

Melting Point
◂Warren Ragasa

Kulay kahel ang daigdig ng hapong iyon. Ang langit. Ang bagong pinturang dyipni na sinakyan ko. Ang hawak kong libro. At ikaw, na sa laking gulat ko ay pumasok suot ang kahel mong T-shirt at kahel na tali. Naalala ko, kahel nga rin pala ang paborito mong kulay.

Para itong baduy na pelikula. Hindi pinagisipan ang color scheme ng eksena. Wala ring bago sa plot — nagtagpo tayong muli ngunit sinubukan kong ibaling ang tingin ko sa malayo. Pero magkatapat tayo sa isang maliit na espasyo, at malas kong nahuli mo ang pagsulyap ko.

Masigla kang bumati. Halos wala kang pinagbago.

Kumusta ka, M? Tatlong taon na rin pala. Bihag pa rin ako ng mga alaala: ikaw sa tagong dako ng Sports Oval; ako, papalapit sayong humahagulgol. Hindi ito parang sa pelikula — ‘di kita binigyan ng tissue o panyo (bimpo lang ang dala ko n’on.) Lumapit lang ako at tumabi sayo. Ibinagsak mo ang mabibigat mong mga mata sa kaliwang balikat ko. Gusto kong suntukin ‘yung gagong nagnakaw ng mga ngiti mo. Pero sa mga sandaling ‘yon, mas gusto lang kitang yakapin.

Sa Melchor ako bababa. Ikaw sa Fine Arts, sabi mo.

Oo nga pala, tatlong taon na rin mula nang lumipat ka ng kurso. Napupunta pa rin ako sa paborito nating tambayan dati sa Melchor, baka lang naiisipan mo minsang bumisita. Kung namimiss mo man ang mga alaala. Dumadaan din ako sa mga rally. Baka lang makita kita roon. Sa totoo lang, wala rin naman akong lakas ng loob kausapin ka.

Nilamon tayo ng katahimikan.

Pero mas awkward pa rin n’ung inamin ko sayong gusto kita, M. Hindi rin ‘yon parang pelikula — hindi mo sinabi sa aking wala namang magbabago. Hindi mo rin ako binirong nasisiraan na ako. Tumingin ka sa akin at direkta mong sinabing wala kang nararamdaman. Tangina, M. Gusto kong magpalamon sa lupa. Gusto kong ibagsak ang mabibigat kong mga luha sa kanan mong balikat. Pero gusto kong suntukin ang sarili ko.

Tatlong taong katahimikan at mukhang masaya ka na, M. Ang dami kong gustong sabihin sayo, d’on sa loob ng kulay kahel na dyipni sa ilalim ng kulay kahel na langit. Patawad, kung umasa ako. Patawad, kung hanggang ngayon, masakit pa rin ang mga alaala.

Hanggang sa muling pagkikita, sabi mo. Pasensya kung nahihiyang ngiti lang ang naisagot ko. Gusto ko na lang hilahin ang kahel na lubid ng dyipni. Hindi tulad ng baduy na pelikula, malamlam ang closure at wala ‘tong happy ending. ◂

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12329

Posted by on Oct 24 2017. Filed under Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Kamusta ka, M?”

  1. Jomar B. Villanueva

    Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.