|

#NoFilter

Kultura
● Sheila Abarra

Tila ayaw na nating maging kamukha ang ating repleksyon sa salamin. Sa tagal ng pagpoproseso ng larawan sa photoshop at sa dami ng ginamit na filter, halos hindi na makilala ang orihinal na itsura ng mga tao sa bawat larawan sa social media.

Isa nang bagong hulmang talento ang pagpapaganda—pagalingan sa pagme-make up, pagandahan ng ipinagawang ilong at flat na tiyan. At mula sa pisikal na kaanyuan, umabot na sa identidad ang kasalukuyang pamantayan sa kagandahan.

Kahit may layuning magbago ng pagkakakilanlan, isa pa rin itong malaking kabalintunaan—nagiging pantubos ng inaasam na hitsura ang mismong katauhan. Sa halip na mahalin ang taal na pagkatao, pinapatay na lamang ito para sa bago.

Lumilikha ito ng nosyon na ang pagpapaunlad sa sarili ay nakasalalay sa huwad na pagbabago na nakatuon sa pagpapalit, sa halip na paglinang.

Pagtutuklap
Ang bagong mukha ni Marlou ang naging mukha ng mga balita kamakailan. Sa lahat ng nakatutuwang imitasyon ng “boy-band” sa bansa, ang grupong Hasht5, kung saan kabilang si Marlou Arizala ang siyang umani ng hindi matawarang likes at views sa social media.

Taong 2015 nang maabot Hasht5 ang rurok ng kasikatan, ngunit agad ding nabuwag dahil kaiba sa mga grupong tinitilian, puro pangungutya ang laman ng comment section ng kanilang mga bidyo sa Facebook, na kung hindi kumakanta ay sumasayaw. Si Marlou ang tampulan ng tukso dahil sa iisa niyang pares ng pantalon at mukhang suki sa mga memes.

Ngunit patay na si Marlou Arizala—siya na ngayon si Xander Ford. Kakabit ng pang-Kano na pangalan ang kaniyang bagong maputing mukha, matangos na ilong, at bagong hubog na panga matapos magparetoke.

Sa likod ng bagong pangalan at pagkatao na inilalako sa telebisyon at social media, matatagpuan ang pagkakakilanlan na pinagkakaitan ng pagtanggap. Mas naging malinaw din ang mga umiiral na kondisyong nagtulak upang mangyari ito.

Sa panahong ganap na ang pamantayan sanhi ng globalisasyon, nawawalan ng kontrol ang lahat sa usapin ng pagdedesisyon. At sa kasamaang palad, ang paglikha ng pamantayan ay itinatakda ng makapangyarihan, na makikita sa pinagbabasehan at pinaniniwalaang “maganda.”

Kung gayon, apektado ang paghahanap at paglikha ng sariling pagkakakilanlan, na isang naturang pangyayari.  Ito’y dahil ang pangunahing nagpapaandar dito ay ang “sense of belonging,” ayon kay Prop. Sofia Guillermo mula sa Departamento ng Art Studies.

Mababakas ito sa malawak na kasaysayan ng pre-kolonyal na pamantayan ng kagandahan, na nakasandig sa pamayanang kinabibilangan. Ang puting ngipin ay tinitingnan bilang katangian lamang ng mga hayop kung kaya ito ay nililiha at iniitiman. Kaugnay nito ang tradisyon ng pagnguya ng ngangâ na laganap sa buong kapuluan, gayundin ang pagtatato.

Ilan ito sa halimbawa ng pamatayan ng kagandahan na nakaayon sa pagkakakilanlang Pilipino. Isa-isa itong winasak noong panahon ng kolonyalismo. Bagaman mayroon pang nagnganganga, winakasan ito ng mga kolonyalistang Amerikano bilang maduming kaugalian. Ang pagtatato ay karaniwang tinitingnan bilang ekspresyon na ngayon ng indibdwalismo at pagsuway, dagdag pa ni Prop. Guillermo.

Matapos ang lahat ng ito, kakatwa pa na ang tradisyunal na pagtatato ay binubuhay na ng komersyal na turismo. Lumikha ito ng ilusyon ng pagsasalba ng tradisyon dahil sa katunayan, ang interes pa ring pandayuhan ang puhunan dito.

Pagpapalit
Sa kabila ng lahat ng kondisyon sa ngayon, ang paglikha at paghanap sa pagkakakilanlan ay umiikot na sa kung aayon ba sa dominanteng pamantayan o sasalungat dito. Dito nag-uugnay ang kaso ni Jake Zyrus na tumataliwas sa pamantayang ang babae ay hindi dapat maging lalaki, at si Xander Ford na pilit umaayon sa umiiral na katangian ng isang “pogi.”

Kung nagiging kapital ang pagkakakilanlan, nagiging totoo rin ito sa hitsura. At kung kapital na ang hitsura, natural lamang na maglaan ng panahon at pera para rito. Kung kaya, alinman sa pag-ayon o pagsuway sa pamantayan ang piliing landas, sa laganap na komodipikasyon pa rin mauuwi ang lahat.

Samakatuwid, isang mito ang pagkakaroon ni Marlou ng kalayaang magparetoke dahil ito’y sapilitan. Ang pagbabago niya ng anyo ay hindi isang pagtupad sa pangarap na magpalit ng katauhan, bagkus isang hakbang upang tuluyan siyang tanggapin ng lipunan, at hindi lamang pagtawanan.

Kung gayon, wala sa pagpipilian ang tunay na kasagutan. Ilusyon pa ring maituturing ang konsepto ng pagpili kung limitado ang pagpipilian. Malaki ang bahagi ng midya rito na mababakas sa mga patalastas ng mga komersyal na produkto. Isang halimbawa ang patalastas ng Dove kung saan tampok ang isang African-American na babae na matapos hubarin ang kaniyang brown na t-shirt ay naging Amerikana na nakaputing t-shirt.

Naglalakihang kumpanya ang nasa likod ng mga produktong pampaganda, kaugnay ng lahat ng produktong nalilikha gaya ng pelikula, awit at marami pang iba. Estados Unidos ang nangunguna sa mga bansang nakakapagsagawa ng mabentang plastic surgery sa buong mundo, ayon sa International Society of Aesthetic Plastic Surgery.

Nakasentro sa mga bansang gaya ng Estados Unidos ang kita mula sa pagiging ganap ng pamantayan sa kagandahan. Hindi ito nalalayo sa binanggit ng mga teoristang gaya ni Theodor Adorno na isang malaking network ang sistema ng paglikha para sa pagkonsumo.

Ang kultura ng pagkonsumo ay nakabatay lamang sa kung ano ang inihahain ng mga tagapaggawa. Samakatuwid, mistulang isang malaking hawla ang sistemang kinapalolooban ng lahat ng kumokonsumo.

Pagtatapal
Sa kabila ng kawalan ng kalayaan sa pagpili, ang pagtuklas sa katotohanan sa likod ng mga itinatapal na kasinungalingan ang dapat pagtuunan ng pansin. Nasa kasaysayan ang patunay ng pagkakaroon ng porma ng identidad kung saan walang nananamantala at pagka-Pilipino lamang ang pinatatampok.

Sa malaking bahagi ng Mindanao noong panahong prekolonyal, kaugaliang ihulma ang bungo ng sanggol bilang pamantayan ng kagandahan. Tinangad kung tawagin ang mga sanggol na may malapad na noo at ilong at ginawa rin ito sa Visayas, ayon sa mga tala ni William Henry Scott.

Nakatala sa kasaysayang Pilipino ang kagandahan sa pagiging pango na isinusuka ngayon. Hindi ito naiiba sa pagpapaputi at iba pang pamantayang Kanluranin. Sa tuwing umaayon ang bawat Pilipino sa pamantayang labas sa kaniyang nuno, nagkakaroon ng pag-aabandona sa sariling-atin.

Higit pa sa pag-ayon, lumilikha ito ng patuloy na kawalan ng pagtanggap sa sarili. Mas nagiging malabo at mahirap ang pagtanggap na siyang pangunahing pangangailangan sa proseso ng pagpapa-unlad ng kagandahan.

Kung magwawakas lamang ang pagiging alipin sa maka-Kanluraning mga pamantayan, hindi na kailangan ni Marlou na magparetoke at mabuhay sa katauhan ni Xander Ford. Hindi na mawawalan ng anak ang kaniyang ama, at makakasayaw na siya nang hindi ginagawang katawa-tawa. 

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12306

Posted by on Oct 24 2017. Filed under Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.