|

System Breakdown: Ang Depresyon ay ‘Di Kathang-isip Lang

Kultura
● Marvin Joseph E. Ang

Panandaliang dumilim ang telebisyon nang tanghaling tapat na iyon. Ang dating puno ng tawanang “Juan for All, All for Juan” ng Eat Bulaga ay binalot ng batikos nang bumanat ang host nitong si Joey De Leon laban sa mga dumaranas ng depresyon. Gawa-gawa lamang umano ito at hindi dapat sinusuportahan ang mga nakararanas nito.

Bagaman agad humingi ng tawad ang TV host sa kaniyang sinabi, hindi sapat ang paghingi ng tawad ayon sa mga mental health advocates—kailangang magkaroon ng isang “educational discussion” ukol sa paksa.

Sa muling pag-init ng isyu tungkol sa depresyon matapos ang sunud-sunod na kaso ng pagpapakamatay noong nakaraang taon, malawak pa rin ang maling impormasyon tungkol dito. Nananatiling mailap ang mundo para sa mga mentally ill, at pinalalala ito ng mababang suporta ng estado para sa sektor ng kalusugan.

“’Yung depression, gawa-gawa lang ng mga tao ‘yan. Gawa nila sa sarili nila.”
Hindi lahat ng nakararanas ng depresyon ay komportableng pag-usapan ang kanilang kondisyon.

Humigit-kumulang 20 porsyento ng mga Pilipino ay mentally ill at patuloy ang pagtaas ng bilang na ito, ayon sa tala ng World Health Organization (WHO) noong 2015. Mahigit 2,558 na kaso naman ng pagpapatiwakal at tangkang pagpapatiwakal ang naitala noong taong 2012 lamang.

Taliwas ito sa karaniwang ipinakikita sa midya na isa ang Pilipinas sa “pinakamasayahing” mga bansa sa mundo. Sa ganitong pagkukubli ng depresyon na nararanasan ng marami sa atin ang ideyang nais itanim ng mga palabas na katulad ng Eat Bulaga.

Unang tinawag na “melancholia” ang depresyon. Para sa mga sinaunang mamamayan ng Mesopotamia, isa itong kondisyon na ikinakabit sa mga sinasapian ng demonyo na ginagamot ng mga pari. Sa kanilang pakiwari, ang depresyon ay isang karamdamang ispiritwal at hindi pisikal.

Sa paglipas ng panahon, napag-alamang nagbubuhat ang depresyon sa mga kemikal na hindi balanseng napoprodyus sa utak. At noong kalagitnaan ng 1970s, pinangalanan itong Major Depressive Disorder matapos ang masinsing pag-aaral base sa mga paulit-ulit nitong sintomas.

Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang negatibong pagtingin sa depresyon. Dahil dito, kadalasang ikinakaila ng mismong mga dumaranas ng depresyon na sila ay may ganitong kondisyon, ayon kay Dr. Marie Grace A. Gomez ng Office of Counselling and Guidance. “Nagdi-deny sila kasi nahihiya sila’y may depresyon. Nakakahiya magpatingin sa psychiatrist kasi ang tingin nila, kapag nagpatingin sa psychiatrist, [nasiraan] na,” dagdag pa niya.

Bunga ito ng kaisipang isinususog ng namamayaning kaayusan–limitado lamang ang usapin ng depresyon sa indibidwal na nakararanas nito, at hindi sa mas malawak na lipunan.

“Nagpapasosyal lang”
Karaniwang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3,000 ang konsultasyon sa mga psychiatrist, samantalang P1,500 naman para sa isang session ng tuluy-tuloy na therapy. Hindi pa kasama rito ang anti-depressant pills na nagkakahalaga ng P120 bawat isa, na kung susumahin ang konsumo ayaabot ng mahigit P3,600 kada buwan. Maaari pa itong tumaas o bumaba base sa bilang ng dosage ng gamot at bilang ng kinakailangang konsultasyon sa doktor.

Nagmumula ang pormal na diagnosis mula sa mga espesyalista, kung kaya’t kadalasan, tanging ang may kakayahan lamang na magpatingin ang mas may kapasidad na magsalita tungkol sa kanilang kondisyon. Dahil dito, may nosyon na “nagpapasosyal” lang ang mga may depresyon kahit pa maaari naman itong maranasan ng lahat.

Sa bansang atrasado ang serbisyong panlipunan kabilang ang para sa sistemang pangkalusugan, hindi kataka-taka ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng depresyon. Lumabas sa pag-aaral ni Jay Watts, isang clinical psychologist at psychotherapist, na malaki ang papel ng nararanasang pananamantala sa isang indibidwal sa loob ng isang lipunan sa kaniyang kalusugang pangkaisipan. Aniya, “Poverty, relative inequality, being subject to racism, sexism, displacement … all increase the likelihood of mental suffering.”

Kung kaya’t makikitang hindi labas ang usapin ng depresyon sa namamayaning krisis sa lipunan. Ayon kina Luigi Esposito at Fernando Perez, mga iskolar mula sa Barry University, mahalaga ang ginagampanang papel ng lipunan sa kalusugang pangkaisipan ng isang indibidwal. Anila, malaong ginamit ng namamayaning kaayusan ang depresyon upang maghain ng iba’t ibang mga lunas, ngunit isinasantabi ang mga panlipunang salik, katulad ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.

“’Pag mayaman, depression. Kapag mahirap, wala… wala nang pag-asa ‘yan.”
Kung tutuusin, karaniwan ding biktima ng depresyon ang mga mahihirap. Pilit na pinagkakasya ng karaniwang manggagawa sa maliit na sahod ang pang-araw- araw na pagkain ng pamilya at pambayad ng tubig, kuryente, at upa sa bahay. Dahil dito, napipilitan nilang isawalang-bahala ang kanilang kalusugan.

Ngunit tila wala nang pag-asa para sa mahihirap—tulad ng mga manggagawa sa mga pabrika sa Tsina na nagtala ng humigit-kumulang 14 kaso ng pagpapatiwakal at 18 kaso ng planong pagpapatiwakal sa taong 2010. Ayon sa mga lider-manggagawa sa Tsina, resulta ng pang-aabuso at hindi makataong pagtrato ang insidenteng ito.

Sa konteksto ng Pilipinas na may mailap na sistemang pangkalusugan, kakaunti lamang ang mga serbisyo at pasilidad para sa mga may kondisyong mental. Dahil sa mababang subsidiya mula sa pamahalaan, nananatiling mataas ang bayad para sa simpleng konsultasyon. Sa buong bansa, dadalawa lamang ang mental hospitals na, ayon sa WHO, naglalaan lamang ng 5.57 kama kada 100,000 katao. Kakaunti rin ang mga ospital sa kanayunan kung kaya’t hindi sila naabot ng mga serbisyong pangkalusugan.

Paano nga ba magiging malusog sa ilalim ng isang sistemang maging ang kalusugang pangkaisipan ay tinutumbasan ng salapi? Kasabay ng diskusyon at tamang edukasyon tungkol sa depresyon at iba pang kondisyong pangkalusugan, mahalagang bakahin ang sistemang nagkakait ng pag-asa para sa mga nakararanas ng mga ito.

“Kapag may nakakaranas ng depresyon, kailangan nating bigyan ng suporta,” ayon sa host din ng Eat Bulaga na si Maine Mendoza, bilang pagtutol sa sinabi ni De Leon. Bagaman isang hakbang pasulong ang pagsasabatas ng batas na magbibigay-proteksyon sa mga dumaranas ng depresyon, tuluyan lamang itong maiigpawan kung may maayos na sistemang pangkalusugan para sa lahat. 

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12312

Posted by on Oct 24 2017. Filed under Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.