|

Mga magsasaka ng Bukidnon, nagtungo sa Maynila para magprotesta

Balita
◢ Beatrice P. Puente

Higit 100 magsasaka mula Bukidnon ang naglakbay ng mahigit 1,400 kilometro patungong Maynila upang ipanawagang maibalik ang 517 hektaryang lupang kinamkam ng isang pamantasan.

Inangkin umano ng Central Mindanao University (CMU) ang lupang higit 30 taon nang sinasaka ng mga magsasaka ng Bukidnon, ayon sa mga miyembro ng Bukidnon Free Farmers Association and Laborers Organization (Buffalo), Tried Agricultural Movers Association or Rural Active Workers (Tamaraw) at Land Tillers Inhabitants of Musuan (Limus), tatlong organisasyong apektado ng nasabing pangangamkam.

May karapatan ang mga magsasaka sa isang bahagi ng 3,080 hektaryang lupa sa CMU kung saan naninirahan ang higit 800 pamilya, ayon kay Ed Bustamante, pangkalahatang kalihim ng Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL) na alyansa ng tatlong organisasyon. Nananawagan din ang grupo na itigil na ang pandarahas na ginagawa ng administrasyon ng paaralan sa kanila.

Tagibang na kasunduan
Nagsimulang sakahin ng mga magsasaka ang nasabing lupa noong 1975 nang magtrabaho sila sa Philippine Packing Corporation. Taong 1990 iginawad na sa mga magsasaka ng BTL ang lupa ngunit binawi rin kalaunan nang katigan ng Korte Suprema ang apela ng CMU base sa probisyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na nagsasabing ang lupain ng mga paaralan ay hindi kabilang sa mga dapat ipamahagi.

“Bakit pinarerentahan sa malalaking kumpanya [ang ibang parte ng lupa ng CMU], samantalang sa amin ay hindi [maibigay]?” ani Danny Menente mula sa BTL. Maraming trabaho sana ang nalikha at napagyaman pa ang lupa kung hinayaan lamang ito ng CMU sa pangangalaga ng mga magsasaka, dagdag pa niya.

Dahil din sa mga hindi patas na probisyon, tinanggihan ng mga magsasaka ang mga kasunduang inihain ng CMU kapalit ng kanilang pag-alis sa lupa. Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema pabor sa pamantasan, nananatili pa rin sa lupa ang mga magsasaka.

Pinahintulutan sila ng unibersidad na upahan ang kanilang lupang sinasaka ngunit limitado lamang ito sa limang taon mula 2002 at natapos noong 2007, ani Bustamante.

Ginawa ang kasunduan sa pagitan ng CMU, ng BTL at ni Rep. Miguel Zubiri na nag-alok ng P40,000 at relokasyon na maaaring paglipatan ng mga magsasaka kapag natapos na ang limang taon, ayon sa pahayag ng CMU.

Gayunman, nasa kakahuyan ang mga relocation sites na ibinigay sa kanila kung saan hindi maaaring magtanim ng palay, ani Bustamante. Ito aniya ang dahilan kaya hindi nila nilisan ang kanilang lupa sa pamantasan.

Karamihan din ay tinanggihan ang salaping alok dahil mas mahalaga para sa kanila ang lupa. “Ang P40,000, ‘di pa aabutin ng isang buwan. Panandalian lang ‘yun,” ani Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Pinaigting na laban
Kasama ang mga magsasaka ng BTL sa humigit-kumulang 7,000 magsasaka na nagtungo rin sa Maynila para sa Lakbayan ng Magsasaka para sa Lupa at Laban sa Pasismo (Lakbay Magsasaka) kung saan nagkampo sila sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) mula Oktubre 16 to 25.

“[Nandito kami para] ipaalam sa publiko ang ginagawa ng gobyerno [at CMU] para ang mga tao na ang magdesisyon kung saan nagkamali ang [mga institusyong ito],” ani Bustamante.

Pinaigting ng mga pesante ang kanilang paglaban sa administrasyon ng CMU na nagbunsod sa serye ng pandarahas sa mga magsasaka at nauwi sa pagkasawi.

Si Leonardo Loable, ama ng pinuno ng BTL na si Winnie Loable, ay binaril ng mga gwardya ng unibersidad dahil nais niyang pumasok sa loob ng CMU upang umuwi sa kanilang tahanan. Pinilit niyang pumasok dahil walang ibang alternatibong ruta pauwi, pahayag ng nakababatang Loable.

Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang pandarahas na ginagawa ng administrasyon ng CMU sa mga magsasaka. Noong 2011, kinumpiska ng mga gwardya ng pamantasan ang gamit ng mga pesante sa pagsasaka ayon kay Ireneo Udarbe, pinuno ng KMP – Northern Mindanao Region (KMP-NMR).

Ipinagbawal din ng pangulo ng unibersidad na si Marila Soliven ang pagpasok ng mga magsasaka sa CMU. Bilang protesta sa naging desisyon, nagkampo ang mga magsasaka sa harapan ng ng unibersidad noong 2014. Anim ang sugatan sa hanay ng mga magsasaka dahil sapilitang inalis ng mga gwardya ang kampong itinayo nila.

Hindi nakikita ng mga pesante na epektibo ang mga batas at palisiya na ipinapatupad ng pamahalaan dahil sa mga problematikong probisyon. Halimbawa, pinahihintulutan ng Section 17 ng CARP ang mga panginoong maylupa (PML) na manipulahin ang presyo ng produkto at sweldo ng magsasaka.

“Kung aasa kami sa legal na proseso ay mahaba pa [ang kailangan naming pagdaanan],” ani Udarbe.

Tunay na reporma
Para sa mga magsasaka, lupa ang pinakaimportanteng pag-aari na mayroon sila dahil dito nagmumula ang kanilang pagkain, ikinabubuhay at tirahan, ani Ramos na nakikitang magkakaroon lamang ng reporma kung maipapasa ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).

Inaasahan ng mga pesante na sa pamamagitan ng GARB, maipapamahagi na sa kanila ang mga lupang sakahan at hindi na ito mapupunta sa kamay ng iilan. Sa pamamagitan nito, makakamit din ang pambansang industriyalisasyon na mag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga Pilipino dahil sa paggamit ng sariling yaman upang paunlarin ang ating bansa.

Kung pagmamay-ari ng mga magsasaka ang lupa at susuportahan sila ng gobyerno, maganda ang mangyayari sa hinaharap, ayon kay Udarbe. “Maraming trabaho [ang magagawa] at saka ang bigas natin ay mura lang at ‘di na kakailanganin mag-import,” ika niya.

“Kahit anumang sektor tayo ay dapat magkaisa tayo para sa pagbabago dahil kung aasahan lang natin ang gobyerno, hindi natin makakamtan ang tunay na pagbabago,” ani Udarbe. ◢

 

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12331

Posted by on Oct 25 2017. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.