|

Hawla ng higante

Kultura
● Marie Carolaine Famero

Nananabik si Lucy Mirando, ang chief executive officer ng Mirando Corporation. Ipakikilala niya sa buong mundo ang kanyang bagong “super pig project.” “To consume less feed, produce less excretions and, most importantly, to taste good” — ito ang hangarin niya sa paglikha ng dambuhalang mga “genetically modified” (GMO) na baboy.

Ganito sinimulan ang “Okja,” pelikulang sinulat ni Jon Ronson at dinirehe ni Bong Joon Ho, at kauna-unahang pelikula ng Netflix at Plan B Entertainment. Nabigyan ito ng pagkakataong maipalabas sa buong mundo sa ika-pitumpung taon ng Cannes Film Festival nito lamang Mayo.

Mula nang siya ay apat na taong gulang, lagi nang kasa-kasama ni Mija ang kanyang kaibigan na si Okja — isa sa sa 26 na super pig na ipinakupkop ng Mirando sa ilang mga magsasaka mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Matapos ang 10-taong matiwasay na pamumuhay nina Mija, Okja at isang matandang magsasaka sa kanayunan ng Timog Korea, nabagabag ito nang kunin na ni Mirando at ng korporasyon nito si Okja.

Sa realidad, maraming naglalakihang korporasyon ang may kahawig na istilo at kalakaran ng Mirando tulad ng korporasyong multinasyonal na Monsanto. Ang introduksyon ng GMO sa bansa ay hindi dapat tutulan kung ito ay para sa ikabubuti ng mga tao at kontrolado ng grupo ng mga dalubhasa sa agham. Diskresyon din dapat ng mga magsasaka kung tatanggapin nila ang mga pagbabago at teknolohiya patungkol sa mga pananim o alagang hayop.

Ngunit sa kasalukuyan, ang mga GMO na ito ay nasa ilalim ng kontrol ng mga katulad ng Monsanto dahil nasa kanila ang kapital. Halimbawa na lamang ay ang genetically modified na mais sa bansa na naitanim na ng marami sa mga magsasaka at maylupa. Bagaman ‘di sang-ayon ay napipilitan ang ilan sa kanila na itanim ito dahil ito ang hinihingi ng mga institusyong nagpapautang na siyang sinusuportahan ng Monsanto.

Sinasalamin ng Mirando Corporation ang pinakapangunahing layon ng malalaking kapitalista — ang magkamal ng malaking kita mula sa bulsa ng kanilang mga mamimili sa anumang paraan. Isang paraan ay ang panlilinlang nito sa mga tao na ang mga katulad ni Okja ay nabuo sa isang natural na paraan. Kaugnay nito, istilo ng pelikulang gawing parang tao, sa emosyonal na aspeto, ang isang hayop upang ipakita na hindi lamang ito basta isang sangkap upang kumita. Nakakapanglumo ring isipin na sa kasalukuyang sistema ng lipunan, ganito ang tingin at nagiging trato sa atin ng malalaking negosyo.

Malinaw ang nais ipabatid at pangunahing layunin ng pelikula. Hindi ito upang magsilbing babala sa mga tagapanuod upang itigil ang pagkain ng karne. Bagkus, kritisismo ito sa mga malalaking korporasyon, partikular ang mga kumpanyang agrokemikal, na ipinapakita ang kunwaring pagmamalasakit sa kapaligiran upang makahimok ng mas marami pang mamimili para sa malaking ganansiya.

Ginamit ng Mirando ang magsasakang kamag-anak ni Mija para sa proyekto upang palakihin at malaman ang pinakaepektibong paraan sa pagpapalaki ng mga katulad ni Okja. Ang gawaing ito ay halos walang pinagkaiba sa kasalukuyang panghihikayat, na minsan pa’y sapilitan, ng gobyerno at mga agrochemical companies sa mga magsasaka upang gumamit ng mga kemikal at ng produkto sa kanilang pagsasaka. Sa kabila ito ng maaaring pinsala sa kapaligiran, kalusugan ng marami nating magsasaka at sa kanilang mga sakahan.

Sa dulo ng pelikula, simboliko ang pag-alok ni Mija ng isang ginto upang tubusin ang buhay ni Okja. Patunay ito na ang kita ang siyang sentro at nagsisilbing puso ng kapital. Sa bandang huli, nasa kamay pa rin nila — ng Mirando at iilang higanteng korporasyon — ang dambuhalang kita. ●

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12339

Posted by on Oct 30 2017. Filed under Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.