|

Lupain ng Ligalig

lathalain

Malinaw ang patakaran ng pamahalaan hinggil sa kanayunan: magbungkal ng mga krisis, magtanim ng matatamis na pangako at kalauna’y ipandilig ang dugo ng mga pinaslang na magsasakang Pilipino.

Matinding salot itong nagtutulak sa mga magsasaka upang igiit at ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa. Pinakamahirap sa lahat ng sektor ng lipunan ang mga pesante: 7 sa 10 magsasaka ang walang sariling lupa, habang higit sa 80 porsyento ng lahat ng lupa sa bansa ay pagmamay-ari ng wala pa sa isang-katlo ng mga maylupa sa Pilipinas.

Kontrolado magpahanggang-ngayon ng makapangyarihang iilan ang malawak na mga lupain sa bansa. Hindi pa rin nabubuwag ang malawak na mga hacienda, tulad ng 39,000 ektaryang Hacienda Esperanza sa hilagang Luzon, habang ilang daang ektarya pa ang hindi naipapamahagi sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Mahigit kalahating milyong ektarya ay sinasakop ng mga plantasyon, na karamihan ay pagmamay-ari ng mga korporasyong transnayunal.

Nasa kamay nila ang produksyon, habang pinananatiling primitibo ang teknolohiya sa pagsasaka at pinapatay sa katiting na sahod ang mga magsasaka at manggagawang-bukid. Silang makapangyarihan ang pinoprotektahan ngayon ng rehimeng Rodrigo Duterte. Ang mala-pyudal na sistema ang tunay na naghahalal ng mga mambabatas at mga pangulong ipag-aadya ang interes nilang iilan.

Natunghayan sa kasaysayan na naging kasangkapan ang bawat nagdaang administrasyon upang linlangin ang mga maralitang matagal nang umaasa at nakikibaka para sa tunay na repormang agraryo. Apatnapu’t limang taon na ang lumipas mula nang lagdaan ng diktador Ferdinand Marcos ang Presidential Decree No. 27, na nagpahintulot sa malawakang bentahan ng mga lupain sa malalaking tenante, at nagpanatili sa sistemang hacienda.

Kasing-tuso nito ang pumalit at umiiral pa ring Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), na isinulong sa ilalim ng isang asyenderang pangulo. Dalawampu’t siyam na taon makalipas, libu-libong magsasaka pa rin ang walang sariling lupain. Laganap lalo ang land-use conversion—tinatayuan ang mga lupang pansakahan ng nagtatayugang mga gusali, at negosyo, dahilan upang lalong maging mailap ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

Nagsimula man ang pangulo na tangan ang maraming pangako para sa mga magsasaka, maliwanag na wala siyang anumang plano upang isulong ang libreng pamamahagi ng lupa at tunay na repormang agraryo. Nilansag na niya ang pag-asang ito kasabay ng usapang pangkapayapaan, at matapos pagkaisahang tanggalin sa puwesto ang lider-magsasaka at progresibong si Rafael Mariano.

Sa lahat ng ito, nagpapatuloy lamang ang siklo ng karahasan laban sa mga magsasaka. Bangungot sa bayan ang naratibo ng mga pesanteng marahas na pinalayas sa kanilang lupain, at karumal-dumal na minasaker sa Mendiola, Luisita at Kidapawan. Nagpapatuloy ito sa ilalim ng rehimeng Duterte: 91 mga pesante na ang pinatay ng mga puwersa ng estado, samantalang higit 1,000 ang iligal na inaresto, at 400,000 ang pinalikas dahil sa operasyon ng militar sa mga komunidad.

Sa harap ng tumitinding pasismo ay lumalakas ang sigaw ng paglaban ng mga magsasaka, at hindi tayo maaaring magbingi-bingihan. Kinabukasan ng bayan ang nakataya sa patuloy na pandarahas at pagsasantabi sa panawagan ng mga magsasaka. May tuwirang epekto sa lahat, lalo sa mga mahihirap, ang isyung agraryo at ang kinahantungang lusak ng agrikultura sa bansa.

Isa ang Pilipinas sa pangunahing nag-aangkat ng bigas — 1.4 milyon tonelada noong 2016, habang mas mahal ang lokal na produksyon ng palay kaysa sa mga karatig nating bansa. Subalit tinatahak ng estado ang pagpapaunlad at pagluluwas ng ibang produktong pananim, na nasa kamay pa rin ng malalaking korporasyong agribusiness tulad ng Tadeco, na kumamkam sa 2,276 ektaryang lupa ng mga magsasaka sa Davao. Anumang iskema sa agrikultura ang ihain ng pamahalaan, mananatili itong atrasado kung iilan lamang ang makikinabang, at hanggang hindi nagwawakas ang problema sa lupa.

Kung kaya kahingian mula sa lahat, lalo sa mga kabataan, na kumilos kasama ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo. May sapat na dunong at sikhay ang mga mag-aaral ng UP upang lumikha ng modernong teknolohiya para sa pagsasaka at sa pagpapaunlad ng agrikultura. Ang tunay na tunguhin ng pagsasaliksik ay pagsisilbi sa sambayanan, hindi sa makapangyarihang iilan.

Tayo ay anak ng mga magsasaka — silang nagbibigay ng pagkain sa hapag, silang bumubuhay sa bayan, at silang patuloy na nasasadlak sa kahirapan. Patuloy silang sinisikil ng kanilang abang kalagayan, kaya’t sa loob man ng pamantasan o sa lansangan, marapat tayong tumindig kasama nila, matapang at walang pag-aalinlangan.

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12345

Posted by on Oct 31 2017. Filed under Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.