|

‘Pag nahúli na ang lahat

Sheila Abarra

Napakaraming uri ng Paskong Pinoy ang hindi pinatatampok sa mga patalastas sa telebisyon. Puro Pasko ng mayayaman, panggitnang uri at mga bata sa lansangan ang tema. Samantala, sa ibang sitwasyon, gaya ng mga mangingisda sa ibayong dagat, isang malaking pagsubok ang Pasko.

May pinipiling panahon ang pangingisda, kung kaya hindi sapat ang pagbabase ng dami ng huli sa hugis ng buwan at taas ng alon. Dahil hindi rin uso ang handang isda tuwing Pasko, sa halip na magkasaliwa ang lebel ng demand at suplay, kapwa itong mababa.

Dahil matumal ang huli at kita, madalas nagpa-Pasko ang mga mangingisda sa gitna ng dagat, hiwalay sa kani-kaniyang pamilya, alang-alang sa posibleng huli na panghanda sa hapag-kainan. Gayunman, hindi sa Pasko nagwawakas ang hirap ng mga mangingisda, pinagbawalan na rin silang mangisda sa sariling karagatan gaya sa Scarborough o Panatag Shoal.

Naging sanhi ng pagkakalubog sa utang ng mga mangingisda ng Pangasinan at Zambales ang panggigipit ng mga Tsinong coast guards. Bagaman legal na nabawi ng mga mangingisda ang shoal noong nakaraang taon, patuloy pa ring kinakamkam ng Tsina ang ating teritoryo.

Kaiba sa pangako ng Pangulong Rodrigo Duterte na sasakay siyang jet ski papuntang Panatag Shoal at tatayuan ng watawat ng bansa ang shoal, lumambot itong muli sa bansang Tsina. Patuloy pa rin ang operasyon ng mga militar ng Tsina sa iginigiit nitong 9-dash line sa shoal na siyang 80 porsyentong sakop ng ating teritoryong pang-ekonomiko.

Lumilikha ito ng takot sa ating mga mangingisda ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA-Pilipinas. Bukod pa rito, may programa ang pangulo na Build, Build, Build, proyektong imprastraktura kung saan Tsina ang pangunahing nagpopondo.

Tila ang sarili nating karagatan ang binibili ng Tsina, kapalit ang patuloy na tumal ng kita at paghihirap ng ating mga mangingisda. Malaki ang nakukuha ng bansa sa produksyon ng isda ngunit pinakamahihirap ang bumubuo sa sektor ng pangingisda–nasa 39.2 porsyento ayon sa Philippine Statistics Authority.

Bukod pa rito, sa maliliit na palaisdaan talamak at isinisisi ang ilegal na pangingisda. Bagay na idinadahilan ng dayuhang kompanya upang manatili at sakupin ang mga palaisdaan ng maliliit at lokal na mga mangingisda.

Bilang tugon, patuloy na isinusulong ng mga mangingisda ang Fisheries Code ng 1998 kung saan nakasaad ang pangangalaga sa karagatan at ang pagpapayabong ng lokal na industriya, na hindi makikita sa pamamaraan sa kasalukuyan. Dahil sa halip na ito, ang pagpapatayo ng mga dayuhang kompanya ang sinusuportahan ng pamahalaan.

Taong 2013 nang maging ikapito ang bansa sa pinakamalaking prodyuser ng isda sa buong mundo ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR. Kung kaya hindi ang manaka-nakang tulong pinansiyal mula sa kumpanyang dayuhan ang nararapat at kailangan ng ating mga mangingisda.

Kung ang pagbawi sa Panatag shoal ang pamasko para sa mga mangingisda noong nakaraang taon, isang magandang ideyang panregalo ang isinusulong nilang ekolohikal at legal na pamamaraan ng pangingisda para sa lokal na industriya.

Higit pa sa pagkatampok sa Paskong Pinoy sa telebisyon, ang nararapat at kailangan ng ating mga mangingisda ay ang katiyakan ng masaganang huli, kita, at kapiling na pamilya sa noche buena.

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12380

Posted by on Dec 24 2017. Filed under Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.