|

Sa Ngalan ng Anak

Marvin Ang

Hindi mapakali si Haring Herodes matapos marinig ang balita mula sa tatlong pantas—ipinanganak na ang Mesiyas. Walang pag-iimbot niyang ipinag-utos sa kaniyang mga kawal na paslangin ang mga bata at sanggol, silang maaring banta sa kaniyang kapangyarihan.

Pinagbantaan niyang bobombahin ang kanilang mga paaralan at pamayanan. Binarikadahan ng kaniyang kawal ang daan patungo sa mga pamayanan, kuta umano ito ng mga rebelde. At ang utos ng dakilang hari: hayaang magutom ang mga kabataan, silang mga hadlang sa kaniyang kadakilaan.

Klasikong kuwento ng pagkapanganak kay Hesus ang laging ginugunita tuwing Pasko, bukod pa sa kaniyang pagkakapanganak sa isang sabsaban. Kung ipanganganak si Hesus ngayon, marahil, siya’y ipapanganak sa mga eskinita’t barung-barong, o di kaya’y sa mga tahanan sa kanayunan. Tanda ang kuwentong ito na bagaman sanggol pa lamang, marami na ang nais humamon at humadlang sa pagsilang ng batang Hesus sa mundo.

Dalawang-libong taon makalipas, mas matindi ang mga bantang kinahaharap ng mga batang tulad ni Hesus sa kanilang buhay, lalo na’t malayo sila sa kanilang komunidad at paaralan.

Sa kanayunan, kaliwa’t kanan ang banta sa mga kabataang Lumad: nais ng pamahalaang ipasara ang kanilang paaralan, samantalang kinakampuhan ng militar ang kanilang komunidad dahil sa likas na yamang taglay ng mga ito. Magpahanggang-ngayon, patuloy pa ring hinaharangan ng mga militar ang mga nais mag-abot ng tulong sa mga Lumad.

Patuloy na sinisikil ng estado ang mga paaralang Lumad dahil banta sa kaniya ang uri ng edukasyong nakakamit ng mga kabataang katutubo: makamasa, siyentipiko at lapat sa kanilang pamumuhay at lupang ninuno.

Sa likod ng pamumustura ng pangulo, bahag ang kaniyang buntot sa mga batang katulad ni Hesus—may potensyal na tumindig, kasama ng sambayanan, laban sa mga nag-aastang Herodes at Pilato. Kung kaya’t sa kasalukuyan, gayon din ang takot ng estado sa kabataan– pinatatahimik, binabantaan at tinatakot upang huwag magpatuloy sa paglaban.

Kung kaya patuloy na ipinagsasawalang-bahala ang hinaing ng mga kabataan. Matindi ang trauma na naidudulot ng mga ganitong ligalig sa kabataan, ayon sa grupong Salinlahi Alliance for Children’s Concerns. Sa kasalukuyan, may banta pa rin ng airstrikes ng militar dahil hindi pa ibinababa ang Martial Law sa Mindanao.

Simula noong Hulyo 2016, humigit-kumulang 41,000 mga bata na ang naaapektuhan ng digmaan sa Mindanao, ayon sa Children’s Rehabilitation Center. Labag ito sa sa karapatan ng mga batang manirahan at mamuhay nang mapayapa sa kanilang tahanan at komunidad.

Maging sa kalunsuran, hindi pa rin nawawala ang banta ng madugong giyera kontra droga, na ngayo’y ibabalik na naman sa kapulisan. Katulad ni Haring Herodes, walang habas na pinapatay ng kasalukuyang rehimen ang mga kabataang katulad nina Kian Delos Santos at Carl Arnaiz na pinaparatangang gumagamit ng droga. Paano kaya ipagdiriwang nina Maria at Jose, ng sandaigdigan ang Pasko kung sakaling mapagkamalan at mapaslang ang batang Hesus?

Huwad na kapayapaan ang nais ipamana ng kasalukuyang rehimen. Ngunit katulad ni Haring Herodes na inakalang panghabambuhay ang kaniyang paghahari, babagsak din ang Haring Herodes ng kasalukuyan. At katulad ng batang Hesus, susi ang lakas at sigasig ng mamamayan, lalo ng mga kabataan, upang patalsikin siyang naghahari-harian.

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12371

Posted by on Dec 24 2017. Filed under Lathalain / Kultura, Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.