|

Sa Lupain ni Santa

Marie Carolaine Famero

Hindi mawawalang representasyon tuwing Pasko ang imahe ni Santa Claus—ang matandang lalaking nakapula, may maputing buhok at balbas, at hinihimas-himas ang kaniyang mala-lobong tiyan. Mapagbigay si Santa Claus, kaya’t kahit halik ay ibibigay niya sa iyong ina ayon sa isang awitin.

May ilang pagtatangkang gawing babae si Claus, ngunit hindi matanda, kundi bata, balingkinitan at maputing babae, tulad ng laging representasyon sa mga kababaihan sa telebisyon at billboard. Kahit pasko, nananatili ang hindi pantay na pagtingin sa mga kababaihan, na madalas ikinukulong ang papel sa mga tahanan lalo ngayong kapaskuhan.

Ngunit maraming kababaihan din ang nasa lupain ni Santa Claus, nakikipagsapalaran malayo sa kanilang pamilya. Tinatayang dalawang milyon na ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nagdaang taon—higit sa kalahati nito ay mga babae. Sa murang edad na 25, karamihan sa kanila ay maagang pinapasok ang ganitong trabaho.

Madalas ipagmalaki ng pamahalaan ang kitang dinadala ng mga OFW sa Pilipinas: higit isang trilyon noong nakaraang taon. Kapalit nito ay watak-watak na pamilya at tahanan, diskriminasyon, at karahasang nararanasan ng maraming kababaihan mula sa paninilbihan sa banyaga. Hindi maitatago ang katotohanang maraming kaso ng panggigipit at pang-aabuso ang kanilang nararanasan, upang bigyan ng maayos na pasko ang kanilang mga pamilya.

Isa sa mga hindi-malilimutang trahedya kaugnay nito ay ang sinapit ni Jakatia Pawa sa Kuwait. Simula pa noong administrasyong Arroyo ang kasong pagpatay ni Pawa. Ngunit sa unang buwan ng taong ito, ilang araw matapos ang nagdaang pasko, ay binawi ang kanyang buhay. Depensa niya noon, hindi tugma ang marka ng kanyang daliri sa suspek ng krimen; nangangahulugang hindi makatarungan ang dinanas na parusa.

Si Pawa ay isa lamang sa maraming Pilipinang OFW na hindi na kailanman makakapagdiriwang ng pasko sa bansa. Patuloy ding hinihintay ni Mary Jane Veloso ang kaniyang ganap na paglaya, matapos mapagtagumpayang harangin ang parusang kamatayan sa kaniya sa Indonesia.

Subalit hindi napag-usapan ang kaso ni Veloso noong nagdaang ASEAN Summit sa bansa. Bagaman isang kasunduan ang nilagdaan upang pangalagaan umano ang mga migrante, hindi pabor ang pamahalaan ng Malaysia at Singapore sa bisang legal ng kasunduan. Tikom din ang mga lider sa mga migranteng hindi dokumentado sa mga dayuhang bansa.

Mala-Santa Claus kung tingnan ang mga bansang tumatanggap ng libu-libong manggagawang Pilipino. Ngunit ikinukubli ang karahasang nararanasan ng maraming kababaihan, silang kung hagupitin ay parang duwende sa lupain ni Santa.

Sa harap ng patuloy na hamon sa mga OFW, partikular na ang mga kababaihan, hamon sa mamamayang paigtingin ang panawagan para sa kanilang karapatan. Ang layuning iligtas at ibalik sila sa kani-kanilang pamilya ay nararapat ding tumbasan ng pagbibigay ng mas marami at magandang oportunidad sa kanilang pag-uwi. Samakatuwid, ang pagprotekta sa kanilang mga karapatan ay isang proseso na dapat magpatuloy at hindi dapat tumigil sa isang hakbang lamang.

Sa isang alternatibong mundo—at kung may Pasko man dito—walang Santang dadakilain, hindi siya hahalikan ng sinumang ina, at walang ina ang kailangang magtungo sa ibang bansa.

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=12390

Posted by on Dec 25 2017. Filed under Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Jomar B. Villanueva: Magaling. (Hindi ako naluluha, hindi.)
  • Alexander Absalon: In this time when truth is besieged with lies and malice, Philippine Collegian comes in handy and...
  • Andrew: Good day Sir/Madame: Can I ask anyone here for a contact details of UPM-SHS-ECSC. Thank you & God bless
  • carlo zapanta: can you update me for the case of the student named hina who has been stabbed by danmar vicencio last...
  • Nino jesus Garcia: Is really for real.