|

Amigos en la guerra*

Dibuho ni Nico Villarete

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 3-4 ng Philippine Collegian noong 05 Hulyo 2011.)

ni Mary Joy T. Capistrano

Tila may time travel machine sa loob ng Trinoma. Pagtapak ng mga tao sa ikaapat na palapag ng mall, tila humigit-kumulang na isang siglo ang kanilang nilakbay pabalik.

Kapansin-pansin ang biglang pagbabago ng paligid, higit lalo sa mga kasuotan ng mga taong gumagala sa palapag na iyon. Mula sa mga nag-iikiliang moda ng mga damit ng mga kababaihan lumabas ang kanilang mga naghahabaang mga saya, samantalang mga barong naman sa mga lalaki. Makikita rin sa bawat sulok ang mga guwardiya sibil na tila nagpapatrolya. Sa isang sulok ng ikaapat na palapag ng Trinoma magaganap ang pagpapakilala ng palabas na Amigo.

Tinangkang balikan ng pelikulang Amigo ang naganap na makasaysayang digmaan sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino nang sakupin ng Amerika ang bansa sa unang bahagi ng ika-20 siglo.

Isinulat at idinirehe ng Oscar-nominated na filmmaker na si John Sayles ang Amigo na unang ipinalabas sa US noong nakaraang taon. Pinagbibidahan ito ng mga beteranong aktor tulad nina Joel Torre, Bembol Roco, Ronnie lazaro at Rio Locsin at ng premyadong Hollywood actor na si Chris Cooper.

Nakilala si Sayles sa mga independent films na Lone Star at Passion Fish na kapwa nagkamit ng nominasyon sa Academy Awards noong dekada 90. Ang Amigo ang isa sa dalawang pelikula ni Sayles na tumalakay sa mga digmaang kinasangkutan ng Amerika. Isa si Sayles sa mga personalidad na aktibong tumuligsa sa gerang agresyon ng US sa Iraq noong 2003.

Naganap ang kuwento ng Amigo sa fictionalized na baryo ng San Isidro sa Luzon noong kasagsagan ng Filipino-American War ng 1899-1902. Sa panahong ito, maagap na inagaw ng mga kolonisador na Amerikano ang nagbabadyang tagumpay ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga Kastila.

Cabeza del barrio si Rafael Dacanay (Torre) ng San Isidro nang magkampo ang puwersang Amerikano sa pamumuno ni Lt. Compton (Garrett Dillahunt) sa kanilang baryo habang tinutugis si Heneral Emilio Aguinaldo na siyang pangulo noon ng rebolusyanaryong gobyerno. Upang hindi sumiklab ang gulo at matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga nasasakupan, nakipagkasundo sa mga Amerikano si Rafael. Sa kabilang banda, tinatangka rin niyang protektahan ang kapatid na si Simon (Ronnie Lazaro), isa sa mga pinuno ng mga rebelde sa kanilang lugar.

Ipinakita sa pelikula kung paano nagtangkang mamuhay kasama ang puwersang Amerikano at mga Pilipino sa isang maliit na komunidad sa kalagitnaan ng isang digmaan. Upang makuha ang loob at tiwala ng mga taga-baryo, tinangkang makibagay ng mga sundalong Amerikano sa kultura, tradisyon at gawi ng mga Pilipino. Hindi ito nalalayo sa kung paano sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas at kung paano nila pinaamo ang mamamayan sa pamamagitan ng Katolisismo. Dahil sa balatkayong pananakop ng Amerika sa Pilipinas, tinawag ang istratehiyang ito na ‘benevolent assimilation.’

Ang mabuting ugnayan sa pagitan nina Rafael at Lt. Compton ang ‘ideyal’ na situwasyon na nais mangyari ng puwersang Amerikano kung saan malugod na tinatanggap ng mga sinasakop ang kanilang mananakop. Gayunpaman, hindi natinag ang mga rebolusyonaryong Pilipino sa paglaban sa pananakop ng puwersang Amerikano.

Makikita pa rin ang ganitong istratehiya ng Amerika sa kanilang mga counterinsurgency campaigns sa mga bansang kanilang ginigera ngayon tulad ng Iraq at Afghanistan. Mahihinuha na ang pagsasapelikula ni Sayles sa Fil-American War ay hindi lamang upang balikan ang kasaysayan. Sa halip, tinatangka rin ni Sayles na humalaw ng mga aral mula rito at ipakita kung paano hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy ang mga gerang agresyon ng US sa mga bansang nais nitong sakupin.

Gayunpaman, may ilang kahinaan na masisipat sa pagsasadula ni Sayles ng gera sa Pilipinas. Mas nagbigay siya ng pokus sa relasyon ng mga indibidwal na mga Amerikanong sundalo sa mga Pilipinong pilit nitong inaamo. Sentro ng gera ang maliit na baryo ng San Isidro kaya naman hindi napakita ang mas malaking larawan ng gera na naganap noon sa iba’t iba pang komunidad sa bansa na tulad din ng San Isidro. Sa ilang pagkakataon, lumalabas sa pelikula na nagkaroon lamang ng mga personal na alitan ang mga Pilipino at Amerikano.

Sinasabing ang tatak daw ni Sayles sa kanyang mga pelikula ay ang pagpapatampok ng humanismo at relasyon ng mga karakter. Dahil dito, ang mga kasawian at trahedyang ibinunsod ng gera sa pagitan ng Amerika at Pilipinas ay sirkumstanyal lamang at hindi dahil sa mabangis na katangian ng mga gerang agresyon ng Amerika. Sa tila pagpapakita ng simpatiya ni Lt. Compton kay Rafael, tila ipinapahiwatig ni Sayles na kapayapaan ang tunay na hangad ng mga Amerikano at makukuha lamang iyon kung boluntaryong isusuko ng mga Pilipino ang kanilang sarili sa mga Amerikano.

Sa isang banda, maaaring ang paggawa ni Sayles ng pelikulang Amigo ay isang sinserong pagtatangka na makipag-kaibigan sa mga PIlipino sa kabila ng madilim na kasaysayan ng dalawang bansa. Ngunit hindi buo ang ‘act of contrition’ na ito ni Sayles dahil mas pinili niyang isalarawan ang gera sa pagitan lamang ng mga sundalong Amerikano at Pilipino. Naisasantabi nito ang pangkabuuang katangian ng sistematikong panggigera ng Amerika sa mga bansang nais nitong sakupin.

Malayo sa pagiging magkaibigan ang tunay na relasyon ng Estados Unidos at Pilipinas kung pagbabatayan ang naganap sa Balangiga sa Samar kung saan daang libong Pilipino ang minasaker ng mga sundalong Amerikano sa panahon ng kanilang pananakop. Magpasahanggang ngayon. nagpapatuloy ang pagbabalatkayo ng relasyong ito bilang magkaibigan sa mga palyadong tratado at kasunduang nagtatali sa Pilipinas sa laylayan ng Amerika. ●

*Magkaibigan sa digmaan

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=1305

Posted by on Jul 5 2011. Filed under Featured Story, Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Norodin Lucman: The Heirs of Sultan Rashid Lucman, represented by Datu Norodin Alonto Lucman, has since then won a...
  • AYAWkongMagingPALPARAN: To Q: Pakipaliwanag kung bakit ako ignorante? BOBO mo! pakibasa ulit ang sinabi ko
  • Q: “mga future palparans”? WTH. Could you please read what you’ve written. Nakakatawa :) ) You are...
  • Zeny: Ryan — Personally I feel that it’s an excellent article. The entire framework of the Aquino...
  • Ryan: This is a rather poorly written and researched article. None of the options offer a long-term solution to the...