|

Balangkas ng trahedya: Mga tala ng kapabayaan sa pagtugon sa sakuna

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 21 ng Philippine Collegian noong 10 Enero 2011.)

nina Joan Cordero at John Toledo

Mga dibuho ni Luigi Almuena

Hilera-hilerang mga bangkay at nawasak na mga sementadong bahay sa Hilagang Mindanao ang iniwan ng Bagyong Sendong noong Disyembre 16. Nilimas ng bagyo ang mga tirahan, imprastraktura, kabuhayan, at iba pa.

“Inidoro at tiles na nga lang ang natira sa mga bahay malapit sa ilog,” ani Soraya Escandor, estudyanteng nagvolunteer tumulong sa mga nasalanta ng bagyo. Sa dami ng mga namatay, nagkakaubusan na ng kabaong, at lupang malilibingan.

Sa kasalukuyan, nasa 1,257 na ang patay at 173 ang nawawala sa itinuturing na bagyong may pinakamaraming namatay sa unang dekada ng 21st century, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa United Nations, pangatlo ang Pilipinas sa most disaster-prone areas sa buong mundo noong 2011. Sa katunayan, 19 na bagyo ang dumaan sa Pilipinas nitong 2011, mga bagyong nagdulot ng samu’t saring pinsala sa mga buhay at ari-arian (sumangguni sa sidebar).

Bago ang bagyong Sendong, pinakamarami ang bilang ng patay na iniwan ng bagyong Winnie noong 2004 sa Samar-Bicol Area. May pinakamataas naman na halaga ng pinsala ang bagyong Pedring na humagupit tatlong buwan bago ang Sendong.

Iwas-sakuna

Sa dami ng mga sakunang ito, sa tuwing panahon lamang ng kalamidad kumikilos ang NDRRMC ng pamahalaan, ani Dr. Giovanni Tapang, chairperson ng AGHAM partylist. Wala umano itong “preparatory practice” sang-ayon sa Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 (RA 10121) na nagsasaad na maaari nang gamitin para sa disaster risk reduction, mitigation, at ibang aktibidad bilang paghahanda sa bagyo ang calamity fund na ginagamit lamang sa aktwal na panahon ng kalamidad.

Gayunman, hindi rin tuluyang napupunta ang calamity fund sa mga mamamayang nasalanta. May pagkakataong ginagamit lamang itong

pang-Christmas cash gift sa mga opisyal ng gobyerno noong 2010, ayon sa isang di-pinangalanang opisyal ng Department of Interior and Local Government sa mga ulat. Ginamit din umano ni Gloria Arroyo sa pangangampanya bilang congresswoman noong 2010 ang P105 milyon na calamity fund, ani Department of Budget and Management Secretary Florencio Abad sa isang press briefing.

Ayon sa 2011 veto message ni Pangulong Aquino, “[there is an ] imperious need of maintaining sufficient provision under the calamity fund for actual calamities and prevent its full utilization for pre-disaster activities…” Bagaman nasisigurado nito ang paggamit ng calamity fund para sa relief operations, taliwas umano ito sa RA 10121 lalo pa’t tinatanggalan nito ng mandato ang NDRRMC na siyang pangunahing kumikilos sa panahon ng sakuna, ani Tapang. Nakasaad din sa batas na pangalawang prayoridad lamang ang pagresponde sa kalamidad, at kailangan maglaan ng 30 bahagdan ng calamity fund para sa disaster preparedness.

Disaster preparedness, sa halip na disaster relief ang dapat paglaanan ng pansin ng gobyerno, ayon sa organisasyong Center for Disaster Prevention (CDP). “We should have typhoon drills, pre-positioned relief goods, evacuation plans and community-based disaster risk assessments [and] clear and direct lines of responsibilities between the national and local disaster agencies,” ani Tapang.

Mahalaga ang preventive at preparedness aspect upang mabawasan ang maaaring maging pinsalang dala ng bagyo, ani Juan Carlos Padolina, deputy executive director ng Citizen’s Disaster Response Center.

“[The] key to effective disaster preparedness and risk reduction is the development of appropriate scenarios arising from multi-hazard and risk management,” ani Dr. Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology. Tumutukoy ito sa mga mga plano’t pamamaraan upang mapabilis ang relief at recovery, paghahanda ng mga komunidad at bansa sa mga konkretong hakbang upang maibsan ang pinsala ng sakuna.

Sinusubukan naman umano ng mga organisasyon ng gobyerno na balaan nang maaga ang mga mamamayan.“[We] immediately set out to rationalize and to speed up…mapping… landslide-prone areas and the dissemination of geohazard information to increase public awareness,” ani Dr. Karlo Queaño ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Gayunpaman, mga local government unit (LGU) umano ang dapat na pangunahing magpatupad nito. “Although we also gave social-related programs, it must be the LGU’s primary concern,” dagdag niya.

Ningas-kugon

Sa ilalim ng RA 10121, kinikilala ang “disaster risk reduction and management” sa LGU na may “decentralized powers, responsibilities, and resources.” Pinahihintulutan ang lokal na pamahalaan na gamitin ang calamity fund upang makapaghanda sa sakuna, ngunit hindi rin umano lubusang makapaghahanda dahil limang bahagdan lamang ng kabuuang badyet ng LGUs ang inilalaan para sa paghahanda.

Halimbawa, kung nasa isang milyon ang badyet ng isang LGU, P35,000 lamang ang para sa paghahanda, at P15,000 ang para sa relief, ayon pa sa CDP.

Bukod sa badyet, problema din ang pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa mga sakuna, at pagpapatupad ng mga palisiya. Sa katunayan, kahit na binalaan na ng NDRRMC si Cagayan de Oro (CDO) Mayor Vicente Emano hinggil sa lakas ng bagyong Sendong, hindi pa rin napaghandaan ng lungsod ang bagyo.

“Ibig sabihin lamang, mayroon nang kapabayaan mula sa gobyerno sa salik ng palisiya sa paghahanda sa sakuna at sa pagpapatupad nito sa baranggay level” ani Cheamson Boongaling, mananaliksik ng Center for Environment Concerns.

Halimbawa, bagaman bumili ng P150,000 na Doppler radars at naglaan ng P1.6 bilyon sa Department of Science and Technology ang administrasyong Aquino, hindi pa din mapabibilis ang pagbibigay-babala. “Walang directive ang gobyerno na i-maximize ang mga resources [nito] sa mga disasters,” ani Boongaling.

Samantala, kulang din ng 13 warning systems para sa 18 pangunahing ilog ng bansa. Sa Mindanao naman, nangangailangan ng P300 milyon badyet para sa isang “automated warning system” na papalit sa mga lumang “rain gauge,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Tunay na salarin

Ngunit kahit pa man may maayos na warning system, hindi pa rin tunay na maiiwasan ang pinsala bunsod ng walang habas na pamumutol ng puno at pagmimina. Kapansin-pansin ang mga naglalakihang mga trosong inanod ng baha noong bagyong Sendong. Noong Disyembre 30, labintatlong araw pagkatapos ng hagupit ng bagyo, kinumpiska ng Department of Environment and Natural Resources ang mga trosong diumano’y bunga ng illegal logging operations sa Lanao.

Ayon sa imbestigasyon ng UP Task Force Sendong, malaking salik ang legal mining operations ng VicMar Development Corporation, na itinuturing na pinakamalaking “logging operator” sa Iligan simula pa 1975, sa naganap na flash flood sa CDO. Sa Compostela Valley naman, nasa 31 ang idineklarang patay at 150 ang nawawala nang gumuho ang lupa ng Barangay Napnapan sa Pantukan, isang komunidad ng minahan, noong nakaraang Huwebes.

Hindi maikakailang salarin ang malawakang pagmimina, na pinagtitibay ng Philippine Mining Act of 1995 na nagpapahintulot ng large-scale mining sa mga dayuhang korporasyon, sa mga nagdaang sakuna. Isa ang Napnapan sa 1,912 na landslide-prone barangay bunsod nang walang habas na pagmimina ng ginto, tanso at silver ng mga kumpanyang Nationwide Development Corporation at Napnapan Mineral Resources Inc., ayon sa MGB.

“Aquino even exempted mining companies from the existing total log ban this year,” ani Liza Maza, tagapagsalita ng progresibong alyansang Makabayan.

Pinapaburan umano ng gobyerno ang mining companies na siyang direktang nag-aambag sa paglala ng sakuna, ani Boongaling. “Ang mga token policies [na mining at logging] ay environmentally destructive,” dagdag niya.

Maling pagbaling

Sa kabila ng mga ito, sinisi pa ni Pangulong Aquino ang “informal settlers” na piniling manirahan sa mga lugar na malapit sa sakuna.

Nakatira malapit sa ilog ang karamihan sa mga biktima ng mga sakuna, ani NDRRMC Executive Director Benito Ramos. Napipilitang manirahan malapit sa ilog ang informal settlers dahil dito nanggagaling ang kanilang kabuhayan, ani Gloria Arellan, kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap.

Malinaw ang malaking pangangailangan sa pabahay at maayos na kabuhayan sa rehiyon ng Cagayan at Iligan, na pang-anim sa may pinakamataas na “poverty incidence”, ayon sa National Statistical Coordination Board. Bukod pa rito, umaabot sa 153,598 na pamilya o 11 porsyento ng populasyon sa Mindanao ang maibibilang na “informal settlers” noong 2010, ayon sa National Housing Authority.

Sa paghambalos nang paulit-ulit na sakuna, malaki ang pangangailangan para sa alternatibong solusyon. “’Di priority ng government ang usapin ng climate change at ang urgency to act [before] a disaster,” ani Boongaling. Nagiging sanhi tuloy ang mga sakuna upang lalong mabaon sa utang ang bansa, dahil sa pagpapautang at grant offers ng World Bank at iba pang institusyong pampinansiya. Kung napaghandaan lamang ang sakuna, hindi na sana maglalabas ng malaking badyet para sa pinsala.

“Kailangang baguhin ng gobyerno ang framework on preventive [measures] at baguhin ang mga polisiya sa mining, lalo na sa deforestation… hindi mabilis lumaki ang mga puno. Ilang years ‘yun pero ang baha at landslide [ilang oras lang],” ani Padolina.

Pansamantalang tumila ang ulan sa Cagayan at Iligan, ngunit hindi pa tapos ang pagdating na mga sakuna. Bagaman makatutulong ang pagdating ng tulong at donasyon sa mga biktima sa kanilang muling pagbangon, maiibsan lamang ang kanilang paghihirap sa maagap na paghahanda sa sakuna. Sa ganitong mga pagkakataon, higit ang pangangailangang matuto sa mga aral ng mga nagdaang sakuna upang hindi na muling mangyari ang mga karanasang ito.●

________________________________________________________________

SUMATOTAL

Halaga ng pinsala

Sa bawat sakunang dumaraan, laging may naiiwang bakas: mga bangkay, gibang mga bahay, sira-sirang mga gamit, mga pamilyang nagsisiksikang tila sardinas sa mga evacuation center . Itatala ng sumusunod na mga datos ang lalim ng pinsalang iniiwan ng mga nagdaang sakuna sa bansa:

 

Kabuuang bilang ng biktima ng mga sakuna noong nakaraang taon: 9,867,622

Kabuuang populasyon ng Pilipinas noong 2011, ayon sa National Statistics Office (NSO): 101,833,938

Kabuuang bilang ng namatay sa mga sakuna noong 2011: 1,541

 

Bilang ng bagyong pumasok sa Pilipinas sa taong 2011: 19

Bilang ng nasalanta sa bagyong Sendong: 1,141,222

Nasalanta sa Bohol at Negros Oriental: 82,556

Nasalanta sa Zamboanga del Norte: 4,947

Nasalanta sa Compostela Valley at Davao del Norte: 5,080

Nasalanta sa Agusan del Sur at Surigao del Sur: 14,648

Nasalanta sa Lanao del Sur: 139,879

Nasalanta sa Hilagang Mindanao: 894,112

 

Bilang ng mga nasugatan sa bagyong Sendong: 6,048

Bilang ng mga nawawala sa bagyong Sendong: tinatayang 173 sa kasalukuyan

Bilang ng mga namatay sa bagyong Sendong: tinatayang 1,263 sa kasalukuyan

Pinakamataas na bilang ng mga namatay sa bagyo: 5,101 (Bagyong Uring noong 1991)

 

Kabuuang halaga ng nasirang ari-arian noong 2011 ayon sa NDRRMC: P26.50 bilyon

Badyet para sa 110 state universities and colleges (SUCS) sa 2012: P23.6 bilyon

Pinakamataas na halaga ng pinsalang dulot ng bagyo: P27.296 bilyon (Bagyong Pepeng noong 2009)

Halaga ng pinsalang dulot ng nakaraang bagyong Sendong: P1.40 bilyon

Halaga ng mga imprastrakturang napinsala ng bagyong Sendong: P 1.11 bilyon

Halaga ng mga nasalantang palayan ng bagyong Sendong: P289 milyon

 

Tulong pinansyal mula sa NDRRMC para sa mga biktima ng sakuna noong 2010 at 2011, ayon sa Citizens Disaster Response Center: hanggang P10,000 bawat pamilya

Bilang ng sako ng NFA rice na mabibili gamit ang nasabing halaga: halos pito

Inilabas na tulong pinansyal sa Cagayan mula sa DSWD: P203 milyon

Bilang ng pamilyang makakatanggap ng tulong: 2,900

Inilabas na tulong pinansyal sa Iligan mula sa DSWD: P242 milyon

Bilang ng pamilyang makakatanggap ng tulong: 3,459

Tulong pinansyal sa pamilyang ng namatayan: P5,000

Halaga ng pinakamurang kabaong: P8,000-P8,500

Tulong pinansyal sa mga nasiraan ng bahay: P5,000-10,000

Halaga ng pagpapatayo ng isang simpleng bahay, ayon sa National Housing Authority: P200,000

 

Kabuuang bilang ng nasirang bahay noong 2011: 51,721

Bilang ng nailipat ng DSWD na pamilya sa Calaanan na parte ng Core Shelter Assistance Project: 80

Inilaan ng DSWD para sa Core Shelter Assistance Project: P206 milyon

Inilaan ng NHA sa mga ipapagawang bahay sa Cagayan at Iligan: P20 milyon

Bilang ng pamilyang makakatanggap ng mga tulong pabahay ng NHA at DSWD: 3,000

 

Bilang ng bahay na nasalanta sa Cagayan: 7,317

Bilang ng ipapagawang bahay ng NHA sa Cagayan: 3,000

Bilang ng bahay na nasalanta sa Iligan: 5,249

Bilang ng ipapagawang bahay ng NHA sa Iligan: 1,166

 

Ipinamahaging financial aid ng NDRRMC: P10,000 bawat pamilya

Kabuuang cost of assistance mula sa NDRRMC, DWSD, DOH, LGUs, at NGOs: P155 milyon

Tulong pinansyal kada taong nasalanta: papatak sa P1,666

Pagkaing mabibili sa nasabing halaga: isang sakong NFA rice at 25 lata ng sardinas

 

Inilaang badyet ng administrasyong Aquino para sa calamity fund noong 2011: P1.17 bilyon

Inilaang badyet para sa disaster preparedness na hindi pinasa ni Pangulong Aquino noong 2011: P5 bilyon

Inilaang badyet para sa disaster risk reduction at management activities ngayong 2012: tanging P14.2 bilyon lamang

Inilaang badyet para sa mga kalamidad ngayong 2012: P7.5 bilyon

Kabuuang unprogrammed funds o pera ng bayan na wala pang paglalaanan para sa 2012 : P161.69 bilyon

 

Sanggunian: National Disaster Risk and Reduction Management Council, Office of Civil Defense, Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, Citizens Disaster Response Center, Center for Environmental Concerns, Department of Budget and Management, Department of Trade and Industry, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, National Housing Authority, National Food Authority, IBON Foundation, Philippine Daily Inquirer, ABS-CBN Corporation, Ayala Land Incorporate, Philippine Stock Exchange

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=3404

Posted by on Jan 12 2012. Filed under Featured Story, Lathalain / Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • Limerock Gazebos: You always know how to bring an issue to light and make it important. I cannot believe you’re...
  • 03607: Really Kule, you let self-indulgent twits like this guy here write for you? The pretentiousness in this...
  • webpage: Good way of telling, and goood post to get information about my presentation subject matter, which i am...
  • free movies quiz: Do you mind if I quote a couple of your articles as long as I provide credit and sources back to...
  • rapidshare download: Ι quite like reading an article that can makе men aand women think. Also, thank you foг allowing...