|

SA ULO NG MGA BALITA: 12 kaganapang yumanig sa administrasyong Aquino

(Unang nalimbag ang balitang ito sa isyu 7 ng Philippine Collegian noong 25 Hulyo 2011.)

ni Veejay Calutan

Masusukat umano angkakayahan ng isang bagong administrasyon sa maagap at mabisang pagtugon nito sa mga suliranin.  Narito ang mga balitang napatampok at lumikhang ingay sanakalipas na 12 buwan:

12. 8 HONG KONG TOURISTS KILLED IN HOSTAGE CRISIS

(Philippine Daily Inquirer (PDI), Agosto 23,2010)

Sinubaybayan ng buong mundo ang pangha-hijack ni dating Police Senior Inspector Rolando Mendoza ng isang bus na may lulang 20 Chinese nationals sa Quirino Grandstand, na nauwi sa pagkamatay ng walong Chinese national at ni Mendoza. Binatikos ng gobyerno ng China ang paraan ng pagresponde ng pulisya sa insidente at ang mistulang pagkawala ni Aquino habang nagaganap ang hostage taking.

11. COMPROMISE SHAPING OVER RH BILL

(PDI, May 24, 2011)

Mainit ang debate hinggil sa pagsasabatas ng Reproductive Health Bill, na naglalayong magsulong ng edukasyon hinggil sa pangangalaga ng kalusugan ng mga nanay at pagpaplano ng pamilya. Sa kabila ng pagsuporta ni Aquino sa RH Bill, hindi pa rin ito maisabatas bunsod na rin ng mariing pagtutol ng Simbahang Katoliko.

10. ARTICLES OF IMPEACHMENT FILED AGAINST OMBUDSMAN

(PDI, Marso 22, 2011)

Naghain ng resolusyon sa Kamara ang ilang kongresista upang patalsikin sa puwesto si dating Ombudsman Merceditas Gutierrez bunsod ng kanyang kabiguang panagutin ang mga maysala sa mga kaso ng katiwalian gaya ng Fertilizer Fund Scam at “Euro General.” Hindi napatalsik si Gutierrez dahil kusa na siyang bumaba sa puwesto, matapos hayagang manawagan si Aquino para sa kanyang pag-alis.

9.RP GETS $434-M GRANT FROM US

(PDI,Setyembre 25,2010)

Bitbit ni Aquino pag-uwi mula sa kanyang unang pagbisita sa Estados Unidos bilang pangulo ang $434 milyong grant mula sa Millenium Challenge Corporation (MCC). Nakalaang gamitin ang nasabing pondo sa pagpapatayo ng mga kalsada sa Samar, na binatikos ng mga militanteng grupo dahil bahagi umano ito ng militarisasyon sa kanayunan. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), maaaring may kaakibat ding kapalit ang grant ng MCC, tulad ng pagpaparami ng mga sundalong Amerikano sa bansa at pagpapalawig sa Visiting Forces Agreement.

8. DEMOLITION AT SITIO SAN ROQUE IN QC TURNS VIOLENT

(gmanews.tv, Setyembre 23, 2010)

Daan-daang residente ng Sitio San Roque ang nakipagbatuhan sa mga kawani ng National Housing Authority na inatasang magsagawa ng demolisyon sa komunidad kaugnay ng pagtatayo ng Quezon City Central Business District. Sunod-sunod pang demolisyon ang isinagawa ng mga lokal na gobyerno sa mga komunidad sa Kamaynilaan sa mga sumunod na buwan.

7.CHINA EXECUTES 3 PINOY DRUG MULES

(Philippine Star, Marso 30,2011)

Sa kabila ng pagpapadala kay Vice President Jejomar Binay sa China, nabigo ang administrasyong Aquino na iligtas mula sa pagbitay ang tatlong Pilipinong nahuling nagpapasok ng drogang heroinsa China na sina Sally Ordinario, Ramon Credo at Elizabeth Batain.

6. AQUINO’S APPROVAL RATING DIPS FURTHER

(PDI,Hunyo 21, 2011)

Patuloy na bumababa ang approval rating ng mga Pilipino kay Aquino, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations. Mula sa 74 porsyentong satisfaction rating noong Nobyembre, pumalo na ito sa 64 porsyento ngayong Hunyo, matapos ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng langis.

5. SC: TRUTH BODY UNCONSTITUTIONAL

(Philippine Star, Disyembre 8,2010)

Bilang pagtupad sa kanyang pangako na panagutin si dating Pangulong Gloria Arroyo sa mga kaso ng katiwaliang kanyang kinasasangkutan, binuo ni Aquino ang Truth Commission upang mag-imbestiga sa nasabing mga anomalya. Pinabuwag ng Korte Suprema ang komisyon dahil labag umano ito sa Saligang Batas. Hanggang ngayon, wala pang kasong naisasampa ang gobyerno laban kay Arroyo.

4. STATE UNIVERSITY TO GO ON STRIKE OVER BUDGET CUTS 

(PDI, Nobyembre 18, 2010)

Sa unang badyet na inihanda ng administrasyong Aquino, kinaltasan ng mahigit isang bilyong piso ang pondo para sa mga pampublikong pamantasan. Bilang tugon, naglunsad ng malawakang strike ang mga mag-aaral na nanawagang maglaan ang pamahalaan ng dagadg na subsidyo sa edukasyon.

3. PANIBAGONG OIL PRICE HIKE, SIMULA NA NAMAN BUKAS

(gmanews.tv, Pebrero 28, 2011)

Sunud-sunod ang naging pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pagpasok ng 2011. Sa unang kwarto pa lamang ng taon, 14 na ulit nang nagtaas ang presyo ng diesel at gasolina bunsod umano ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado. Nag-abot ng panandaliang tulong ang administrasyong Aquino sa mga tsuper ng jeep at tricycle sa pamamagitan ng programang Pantawid Pasada.

2. U.S. READY TO ARM PH

(PDI, Hunyo 25,2011)

Kasalukuyang pinag-aagawan ng mga bansang China, Vietnam at Pilipinas ang grupo ng mga islang tinatawag na Spratlys na matataguan sa kanlurang bahagi ng bansa. Nagpamalas ng kanya-kanyang pwersang militar ang bawat bansa. Sa kaso ng Pilipinas, humingi ang gobyerno ng tulong mula sa Estados Unidos na agad namang nagpadala ng karagdagang pwersa sa bansa.

1. HACIENDA LUISITA FARMERS DISAPPOINTED OVER SC RULING

(PDI, Hulyo 5,2011)

Sa halip na ipag-utosang pamamahagi ng 6,453-ektaryang asyenda, nagdesisyon ang Korte Suprema na muling magdaos ng referendum sa mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita upang papiliin silasa pagitan ng stocks o lupa. Ayon sa Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Hacienda Luisita, magdudulot lamang ang nasabing desisyon ng korte ng panggigipit at panghaharas sa mga magbubukid.●

Short URL: http://www.philippinecollegian.org/?p=1760

Posted by on Jul 25 2011. Filed under Balita, Headlines. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Recently Commented

  • 03607: Really Kule, you let self-indulgent twits like this guy here write for you? The pretentiousness in this...
  • webpage: Good way of telling, and goood post to get information about my presentation subject matter, which i am...
  • free movies quiz: Do you mind if I quote a couple of your articles as long as I provide credit and sources back to...
  • rapidshare download: Ι quite like reading an article that can makе men aand women think. Also, thank you foг allowing...
  • seo raleigh nc: It’s in point of fact a nice and useful piece of info. I am happy that you simply shared this...